LUMIPAD patungong London noong araw ng Pasko ang mag-anak na Atayde para doon salubungin ang Bagong Taon.
Ito na lang daw kasi ang panahong kumpleto ang kanilang pamilya para mag-bonding. Hindi halos sila nagkikita-kita sa bahay dahil busy sa kani-kanilang taping; si Sylvia Sanchez ng The Greatest Love, si Arjo sa FPJ’s Ang Probinsyano at si Ria ng Wansapanataym.
Nakakaawa nga si Ibyang na dahil pagod, nakatulog siya noong 7th birthday ng bunso niyang si Xavi.
“Umaga na ako na-pack up noong December 22, birthday ni Xavi, sinundo ko lang si Xavi sa bahay ‘tapos dumiretso na kami ng party niya sa Resorts World kasi nandoon na ang mga bisita.
“Kahit sobrang pagod ako, Reggs, kailangan kong gawin lahat, nanay ako, eh, obligasyon ko pa rin ‘yon,” say ni Ibyang nang makausap namin.
Disyembre 23, kinabukasan, tanghali na siya nagising, nananghalian lang at agad nang tumakbo sa mall para bumili ng isusuot nilang pangginaw patungong London.
Disyembre 24, maghapon siyang nagluto para sa Noche Buena nilang mag-anak at personal na kaibigan, sabay empake dahil maaga silang umalis kinaumagahan.
Habang sinusulat namin ito, nasa London na ang mag-anak at puro tulog maliban kina Ibyang at Xavi na may jetlag -- kaya panay ang post nila sa FB.
Ang pagliliwaliw nila sa London ang inaabangan naming i-post niya.
Sulit naman ang lahat ng pagod at puyat ni Ibyang dahil bukod sa nakita niyang masaya ang pamilya ay pawang positibo ang natatanggap niyang feedback sa kanyang soap na The Greatest Love.
“Sa sobrang pagod ko kailan lang, ‘pinauulit ko kay direk (Jeffrey Jeturian) ang mga eksena ko kasi pakiramdam ko, drained na drained na ako, hindi na ako makaarte lalo na sa iyakan.
“Parang wala na akong ilalabas na luha, kita mo naman puro iyakan ang mga eksena ni Mama Gloria (karakter niya). Sa awa ng Diyos, meron pa pala,” kuwento ng aktres.
Base sa nabalitaan namin sa production hanggang Mayo 2017 pa eere ang The Greatest Love. (REGGEE BONOAN)