Kasunod ng pinaigting na kampanya laban sa illegal contractualization, target ngayon ng Department of Labor and Employment (DoLE) na tugisin ang mga tiwaling employer sa tatlong bagong industriya sa 2017.

Sinabi ng DoLE na sisimulan nito ang nationwide audit sa healthcare, construction, at tourism sector matapos makatanggap ng maraming reklamo ng mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa mga nabanggit na industriya.

Sinabi ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na bumuo na siya ng inspection team para sa sektor ng kalusugan na sisiyasat sa iniulat na illegal na ginawaga ng ilang ospital na ginagamit ang mga on-the-job (OJT) trainee nila upang punan ang mga regular na posisyon sa trabaho.

“There are OJTs doing regular work without any pay... There are some nurses who will go to hospitals to be trained and they will be the ones to pay for their training. What kind of policy is that?,” ani Bello sa press conference noong nakaraang linggo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Iimbestigahan din ng grupo ang iniulat na napakababang suweldo sa mga nurse sa pribadong sektor.

Sinabi ni Labor Undersecretary Dominador Say na gagamitin nila ang resulta ng kanilang assessment upang makabuo ng bagong Department Order na magsisilbing policy guideline para sa healthcare sector.

Gagawin din nila ang prosesong ito sa industriya ng konstruksiyon at turismo upang matiyak na sumusunod ang mga employer sa panuntunan ng pamahalaan sa implementasyon ng labor at health standards, ayon kay Bello.

(Samuel P. Medenilla)