SA nakalipas na mga taon, isinasapubliko ng Philippine National Police (PNP) ang pagbubusal sa dulo ng mga baril ng pulis gamit ang masking tape ilang araw bago salubungin ang Bagong Taon. Layunin nitong bigyang-diin ang pagpapatupad sa direktiba na nagbabawal sa mga pulis na walang habas na magpaputok ng kanilang mga baril sa kasagsagan ng maingay na selebrasyon upang salubungin ang Bagong Taon.
Kung hangad nitong purihin ng publiko ang determinasyon ng PNP na pigilan ang mga operatiba nito na dagdagan ang bilang ng mga nabibiktima ng ligaw na bala, hindi ito kapani-paniwala. Sa totoo lang, hindi naman mahirap na alisin ang masking tape at palitan ito matapos magpaputok sa ere, at wala namang makakahalata. Para sa mismong mga pulis, itinuturing ng ilan na kahiya-hiya ang seremonya ng pagbubusal sa baril, dahil nangangahulugan ito ng kawalang tiwala sa kanila ng kanilang mga hepe.
Noong nakaraang linggo, nagpasya ang PNP, alinsunod sa utos ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa, na tuluyan nang tuldukan ang tradisyunal na pagbubusal sa mga baril ng 160,000 pulis sa bansa. “This is to show the people that the PNP is a disciplined and trusted organization and it does not need muzzle taping,” sabi ni Director Camilo P. Cascolan, hepe ng PNP Directorate for Operations. Inaasahan ng bagong pamunuan ng PNP na higit na magiging mature at propesyunal na ang mga tauhan nito, dagdag pa.
Nasa kalagitnaan ngayon ang PNP ng isang malawakang kampanya laban sa ilegal na droga at maraming pulis na ang nalagay sa maseselan at mga delikadong sitwasyon. Libu-libong katao na ang napatay dahil sa kampanyang ito ng pulisya at kabilang ang mismong mga pulis sa mga napaslang. Hindi maaaring sa kainitan ng kampanyang ito laban sa droga ay nakabusal ang dulo ng mga baril ng ating mga pulis.
Kung ang layunin ay tiyaking payapa at ligtas ang pagsalubong sa Bagong Taon sa mga aksidenteng pagkakasugat at pagkamatay dahil sa walang habas na pagpapaputok ng baril, dapat na alertuhin ang publiko upang ang sinumang maaaktuhang nagpapaputok ng baril sa bisperas ng Bagong Taon ay maisumbong at mapigilan. Hinimok ni Senior Supt. Dionard Carlos, tagapagsalita ng PNP, ang publiko na tumawag sa hotline 911 upang kaagad na makapagresponde ang lokal na pulisya.
Sa mga susunod na linggo at araw ay dapat na nakaalerto ang buong puwersa ng ating pulisya para sa anumang emergency, hindi lamang iyong may kinalaman sa pagdiriwang ng Bagong Taon kundi sa kampanya laban sa droga. Hindi tamang masigasig na nagpapatrulya ang mga pulis habang ang dulo ng kanilang mga baril ay nabubusalan ng masking tape.