SA gitna ng araw-araw na patayan na ang kalimitang biktima ay ordinaryong drug pushers at users kaugnay ng giyera sa ilegal na droga ni President Rodrigo Roa Duterte, nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa publiko na, “Save Lives, Welcome the Needy.”
Nagtanong pa ang Cardinal na kung ano na ba ang nangyayari sa ipinagmamalaki nating “Filipino Hospitality”. Hinikayat niya ang mga Pilipino na ipagpatuloy ang pagiging “hospitable” (magalang at mapagtanggap) dahil kilala tayo sa buong mundo bilang “hospitable people.”
Sa kanyang mensahe noong Pasko, sinabi ni Tagle na ito ang pinakamabuti at tamang panahon para magnilay-nilay at pahalagahan ang mga bagay na tulad ng taglay na buhay na kaloob ng Diyos at pagtulong sa mahihirap at nangangailangan. “Why is there room for lives but minute space for saving them? What has happened to hospitality?
Without hospitality, how could humanity survive?”
Parang pasaring at patungkol sa walang-habas na pagpatay ng mga pulis, vigilantes, sindikato, ninja cops, na ayon sa mga report ay umabot na sa 6,000 biktima, sinabi naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na sa mundong ito, walang pinakamahalaga kundi ang taglay na buhay na “regalo” ng Maykapal sa kanyang nilalang. Dapat umano itong igalang at pahalagahan at hindi basta-basta na lang na babarilin o papatayin ang isang tao.
Iginiit ni Tagle na bilang isang “human family”, dapat itanong ng mga Pilipino ang: “Bakit nakabibili tayo ng TV set o ng makabagong gadget, pero hindi ang pagkakaroon ng isa pang anak sa pamilya? Papaano nakabibili ng solvents tulad ng rugby at iba pang droga, pero hindi makabili ng masustansiyang pagkain at magkaloob ng edukasyon sa mga anak? Why is there ample room for hatred and revenge but too little for compassion and forgiveness?”. Pag-isipan na natin.
Sa Christmas message naman ni Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), binigyang-diin niya ang kahalagahan ng buhay at ng mga kaarawan. Ito ay mga okasyon na dapat pagyamanin at ipagdiwang, ipagsaya at ikalugod. Pero papaano ipagsasaya ang buhay at kaarawan kung ang isang tao ay binaril at pinatay ng mga pulis sa hinalang siya ay tulak at adik?
Idinagdag ni Cruz na isang “supreme gift” ng Maykapal ang buhay ng isang tao. “Happy birthday Jesus. This is the truth and the spirit, the event and the reality behind every 25th day of December every year-- since no less than 2,015 years ago,” sabi pa niya. Eh, papaano ang 6,000 buhay na sapul nang maupo si Mano Digong ay nangawala sa mundong ito? Papaano ipinagdiwang ng kanilang mga pamilya ang Pasko, lalo na ang na-collateral damage o nadamay lang sa drug war ng administrasyon?
Samantala, dahil sa pagmumura ni PDu30 sa UN High Commissioner for Human Rights na si Al Hussein, sinabi ng pinakamatinding kritiko ng Pangulo na si Sen. Leila de Lima na marahil ay bunsod at impluwensiya ng iniinom na “fentanyl” ang gayong mga reaksiyon, galit at pagmumura. Iminungkahi ni Al Hussein sa mga awtoridad ng Pilipinas, na imbestigahan sa kasong murder ang Pangulo dahil sa pag-amin niya na noong siya ang alkalde ng Davao City, personal niyang binaril at napatay ang tatlong umanong kriminal. Dahil dito, tinawag siya ni President Rody bilang isang “idiot”. (Bert de Guzman)