Idaan na lang natin sa botohan.

Ito ang naging paghamon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa mga kritiko ng kampanya kontra droga, sinabing upang mapulsuhang maigi ang publiko ay marapat na alamin na lang ang sentimyento ng mga Pilipino sa usapin sa pamamagitan ng botohan.

“We are in democracy right? So let us vote on it: those who are against and in favor of the antiu-drugs war. Majority wins,” ani Dela Rosa.

Ito ang inihayag ni Dela Rosa makaraang ilang grupo at personalidad ang nagpahayag ng pangamba kaugnay ng kabi-kabilang pagpatay na may kaugnayan sa drug war ng gobyerno.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Batay sa huling datos, may kabuuang 2,155 katao na ang napapatay sa operasyon ng pulisya habang 3,000 pagpaslang naman ang tinukoy ng PNP na “death under investigation”.

Sinagot ni Dela Rosa ang mga batikos sa kampanya sa pagsasabing hindi maiiwasan ang mga patayan.

“Is there a war without casualties?,” sabi ni Dela Rosa.

Tinukoy niyang halimbawa ang mga kaso ng overseas Filipino worker na ayon sa kanya ay isa sa pinakamalalaking casualty sa pagiging talamak ng paggamit ng droga.

Aniya, marami siyang narinig na kuwento ng labis na pagsasakripisyo ng mga magulang sa pagtatrabaho sa ibang bansa hanggang sa matuklasang ginagamit lang ng kanilang mga anak ang ipinadadalang pera para bumili ng shabu.

Batay sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS), bagamat patuloy na sinusuportahan ng karamihan ng Pilipino ang drug war, malaking bilang din ang nagpahayag ng pagkabahala sa serye ng patayang may kaugnayan sa nasabing kontrobersiyal na kampanya ng gobyerno laban sa droga. (Aaron Recuenco)