Patay ang isang lalaki makaraang tamaan ng ligaw na bala sa kasagsagan ng rambulan sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inaalam na ng mga awtoridad kung saan nagmula ang bala na tumapos sa buhay ni Roan Carbonnel, 20, umano’y miyembro ng “Sputnik Gang”, at residente ng 2968 Tambunting Street, Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 10:45 ng gabi nangyari ang insidente sa Sona Uno, Tambunting St., Sta. Cruz.
Nauna rito, nakikipag-inuman umano ang biktima sa kanyang mga kaibigan nang dumating si SPO1 Marlon Buenaflor, nakatalaga sa Camp Bagong Diwa, kasama ang kanyang sugatang pinsan na si Marco Buenaflor, 36, na nabiktima umano ng holdap sa Jose Abad Santos Avenue, kanto ng Hermosa St., Tondo, dakong 10:45 ng gabi.
Sinasabing nagtungo sa lugar ang magpinsan upang magtanung-tanong at hanapin ang holdaper na tumangay sa P5,000 cash ni Marco.
Gayunman, nagulat na lang umano ang magpinsan nang bigla na lang silang pagbabatuhin ng bato at bote ng grupo hanggang sa may umalingawngaw na putok ng baril.
Natantiya ng mga pulis na kulang sila kaya nagpasyang umatras na lamang at humingi ng tulong sa Blumentritt Police Community Precinct (PCP).
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga pulis at dito nila natukoy na may tinamaan ng ligaw na bala sa kasagsagan ng kaguluhan sa lugar.
Natukoy din umano ng mga pulis na isang Gary Cabais ang posibleng nangholdap kay Marlon ngunit hindi naman na ito natagpuan ng mga pulis dahil ilag ang mga residente na magbigay ng impormasyon. (Mary Ann Santiago)