Sa gitna ng isa sa marahil ay pinakamapanghamong Pasko para sa mga Pilipino — na daan-daang libo ang naitaboy mula sa kanilang tahanan, libu-libong stranded ang nag-Pasko sa mga pantalan, at milyun-milyon ang ngayon ay nangangapa sa dilim dahil sa kawalan ng supply ng kuryente—isang mumunting pag-asa ang sumilay sa pagsisilang ng isang ginang sa isang evacuation center sa kasagsagan ng matinding hagupit ng bagyong ‘Nina’ (international name: Nock-Ten).
Isang ginang ang maginhawang nagsilang ng malusog niyang sanggol habang nakatuloy sa isang eskuwelahan na nagsilbing pansamantalang evacuation center sa bayan ng Pamplona sa Camarines Sur, kahapon ng madaling araw.
Isa ang Camarines Sur sa pinakamatitinding sinalanta ng bagyo at isinailalim na ngayon sa state of calamity dahil sa matinding pinsalang naidulot ng Nina makaraang umabot sa Signal No. 4 ang storm public warning signal sa probinsiya.
Ayon kay CamSur Gov. Miguel Villafuerte, nasa 330,798 pamilya (985,561 katao) ang apektado ng bagyo sa lalawigan, habang 60,156 na pamilya (259,572 katao) ang inilikas.
Naitala naman ng CamSur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na 2,506 na bahay ang napinsala sa 24 na barangay nito.
Nagdeklara na rin ng state of calamity ang Albay, kung saan 41,903 pamilya (165,869 katao) ang inilikas simula pa noong Sabado.
Bago pa man salantain ang CamSur, unang nag-landfall ang Nina sa Catanduanes pasado 6:00 ng gabi nitong Linggo.
NASAWI
Apat na katao ang iniulat na nasawi sa paghagupit ng Nina, kabilang ang isang magsasaka na nabagsakan ng puno sa Mulanay, Quezon. Tatlong iba pa ang nasawi, kasama na rito ang isang mag-asawa na tinangay ng rumaragasang baha sa Albay.
Inihayag din kahapon ni Nina Marasigan, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na bumaba na sa mahigit 9,000 ang stranded sa mga pantalan, bagamat pinayagan nang maglayag kahapon ang ilang barko patungong Bicol at Samar kasabay ng pag-aliwalas ng panahon.
NANGANGAPA SA DILIM
Sinabi pa ni Marasigan na marami ring lalawigan sa Bicol, Calabarzon at Mimaropa ang nawalan ng supply ng kuryente sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
“Sadya pong pinutol ang supply ng kuryente ng NGCP (National Grid Corporation of the Philippines) bilang precautionary measure dahil sa lakas ng hanging dalang bagyo,” paliwanag ni Marasigan.
Kinumpirma rin ni Marasigan na kinakalap pa ng Office of Civil Defense ang mga datos sa mga lugar na binaha at nagkaroon ng pagguho ng lupa, partikular sa Catanduanes at Camarines Sur.
Walong road section naman ang isinara at hindi muna madadaanan sa Bicol at Eastern Visayas, ayon sa Department of Public Works and Highways.
Sa kabuuan, limang beses na nag-landfall ang bagyo na ang huli ay sa Tingloy, Batangas, bandang tanghali.
Bagamat bahagya nang humina ang Nina sa ikalimang pagtama nito sa lupa, nasa Signal No. 3 pa rin ang Batangas nang salantain ito ng bagyo hanggang hapon, bukod sa 16 pang probinsiya sa Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Kahit na humina, taglay pa rin ng Nina ang lakas ng hanging 130 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugsong 215 kilometers per hour (kph).
Batay sa monitoring kahapon, patuloy itong kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.
Ngayong Martes, inaasahang nasa layong 295 kilometro sa kanluran-timog-kanluran ng Iba, Zambales na ang bagyo, at sa Miyerkules ng umaga ay inaasahang nasa layong 270 kilometro sa hilaga ng Pag-asa Island sa Palawan.
P200-M AYUDA SA BINAGYO
Samantala, naglabas na ng mahigit P200 milyon calamity funds ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga sinalantang lugar.
Paliwanag ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo, layunin nitong magkaroon ng sapat na relief supplies ang 27 na local government unit (LGU) para sa mga pamilyang binagyo.
Aniya, bukod sa relief supplies ay nag-deploy din ang DSWD ng mga mobile communications vehicle na may high-speed internet service para sa mga Response Cluster Operations Center ng NDRRMC upang mapabilis ang monitoring sa mga apektadong lugar. (May ulat ni Argyll Cyrus Geducos at ng AP) (ROMMEL TABBAD, BETH CAMIA, JUN FABON at LYKA MANALO)