Patay ang isang negosyanteng Chinese at isang security guard habang sugatan naman ang tatlong katao makaraang holdapin ng nag-iisang suspek ang tindahan ng una sa Bacolod City, Negros Occidental, at tangayin ang P1 milyon cash mula roon, Linggo ng gabi.

Blangko pa ang mga imbestigador sa madugong panghoholdap ng nag-iisang suspek, na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikilala ng pulisya.

Ayon sa ulat ng Bacolod City Police Office (BCPO), kaagad na binawian ng buhay si Gilbert Mayang, 40, security guard sa JDS Mindoro Enterprises, at taga-Barangay Talakagay, Hinobaan, habang dead-on-arrival naman sa ospital ang anak ng may-ari ng tindahan na si Chang Lee Wu, alyas “Alok”.

Kinilala ang mga nasugatan na sina Wi Kwang Wang, Yuan Long Huang at Sian Sao Dong.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

Batay sa imbestigasyon, hindi nakilala ng saksing si Jonabel Kabingan, kahera, ang suspek dahil nakasuot ito ng helmet nang pasukin ang tindahan sa Locsin Street, Bgy. 13 sa Bacolod City.

Sinabi ni Kabingan na binaril ng suspek ang security guard bago pumasok sa tindahan at nagdeklara ng hold-up.

Pinagbabaril din ng suspek si Wu, na noon ay nasa loob ng tindahan, gayundin ang tatlo pang biktima na kasama nito.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, isang M-16 armalite rifle ang ginamit ng suspek sa pamamaril. (Fer Taboy)