Sugatan ang dalawang lalaki nang pagsasaksakin ng mga ‘di pa nakikilalang suspek sa magkahiwalay na insidente sa Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa imbestigasyon ni PO3 Jay Ar Mercado ng Manila Police District (MPD)-Station 2, dakong 8:00 ng gabi nang saksakin sa kaliwang tagiliran si Bryan Bucad, 25, ng 290 Ortega Street, Tondo, Maynila.

Nakikipag-inuman umano si Bucad sa kanyang mga kaibigan nang sa hindi pa batid na dahilan ay bigla na lang siya umanong nilapitan ni Bernard Luna, ng Mithi St., at tuluyang sinaksak bago tumakas.

Samantala, ayon kay Police Supt. Emerey Abating, station commander ng MPD-Station 10, dakong 9:00 ng gabi nang saksakin naman si Joel Niembra, 27, ng 1918 Obesis St., Pandacan.

National

Marce, lalo pang lumakas; Signal #1, itinaas sa 14 lugar sa Luzon

Nakatayo lamang umano si Niembra sa Obesis St., nang lapitan ng hindi pa nakikilalang suspek at tinanong ng, “Ano’ng problema mo?!” saka sinuntok sa bibig.

Sa takot umano ni Niembra ay tumakbo siya sa isang eskinita ngunit hinabol siya ng suspek na dumaan sa shortcut.

Hinarang umano si Niembra ng suspek at sinaksak sa kanang tagiliran bago mabilis na tumakas.

Sa kabila ng tinamong saksak, pinilit umano ni Niembra na tumakbo at humingi ng tulong sa kanyang mga kaibigan na siyang nagsugod sa kanya sa ospital.

Sa ngayon ay nasa maayos nang kondisyon sina Bucad at Niembra. (Mary Ann Santiago)