Hindi man makapasok sa top five,kumpiyansa si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez na malalagpsan ng Team Philippines ang 29 na gintong medalya na napagwagihan sa Singapore sa pagsabak sa 2017 Southeast Asian Games sa Malaysia.
Sa pakikipagpulong sa POC-PSC SEAG Task Force, kumbinsido si Ramirez sa mas produktibong kampanya ng atletang Pinoy bunsod nang napagkasunduang ‘criteria’ na gagamitin sa pagpili ng atleta na isasabak sa biennial meet sa Kuala Lumpur sa Agosto.
“We’re looking to surpass ther 29 golds won in Singapore edition. The PSC is ready to support and finance the athletes preparation and based on the criteria, medyo malaki ang tyansa natin na manalo ng mahigit sa 30 golds,” sambit ni Ramirez.
Kabilang sa criteria sa pagpili ng atleta ay ang nakalipas na kampanya sa SEA Games, pinakabagong tagumpay sa international competition, gayundin ang mga nagkuwalipika sa nakalipas na Olympics, world, at Asian championship, gayundin ang track record ng mga batang atleta sa lineup.
Ayon kay Ramirez, imposible ngayong season na makapasok sa top Three ang Team Philippines, ngunit umaasa siyang makakaahon ang delegasyon mula sa ikaanim na puwestong pagtatapos sa nakalipas na edisyon.
Sa Singapore, kampeon ang Thailand (95), kasunod ang Singapore (84), Vietnam (73), Malaysia (62), at Indonesia (47).
Inaasahan ni Ramirez, na hindi na makakasama sa lineup ang mga atleta na hindi man lamang nagwagi ng bronze medal sa nakalipas na SEA Games, gayundin ang mga non-performing athletes sa mga nilahukang international meet.
“Sayang ang pondo kung isasama pa natin ang mga atleta hindi naman nakapagpeperform nang maayos. Although, regional meet ito, ipadala natin yung mga deserving athletes,” sambit ni Ramirez.
“There is no way for us to go number seven. If we land in number six, as long as we have more than 29 gold medals, malaking bagay na ‘yan,” pahayag ni Ramirez.
“Ang taong bayan ang nagbabantay na kapag pumalpak tayo dito, hindi lang NSA [ang masisisi], kami rin kasi nagfu-fund kami. We don’t want to be part of that,” aniya.
Iginiit ni Ramirez na natapos na ang panahon na nagbibigay ng pondo ang ahensiya sa mga national sports association na sumasabak lamang sa maliliit na torneo.