Inaasahan nang titindi ang deliberasyon ng Senado sa iba’t ibang panukala upang rebisahin ang 1987 Constitution sa pagpasok ng susunod na taon, sa pagpapatuloy ng Kongreso ng sesyon nito sa Enero 16, ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III.
Sinabi ni Pimentel na umaasa siyang maaari nang magsama-sama ang Kongreso sa isang Constituent assembly (Con-ass) sa susunod na taon, o sakali namang pinaboran ang Constitutional Convention (Con-con) bilang paraan ng pag-amyenda sa Konstitusyon ay dapat na simulan ng gobyerno ang paghahanda sa eleksiyon na idaraos sa huling bahagi ng 2017.
Ang mahalaga, aniya, ay ang kahandaan ng 25 miyembro ng constitutional commission na binuo ni Pangulong Duterte para himayin ang Konstitusyon, na isumite sa Kongreso ang working draft nito kung paano isasagawa ang Charter change at alin-aling probisyon ang aamyendahan.
“They should be ready with the draft by the first half of 2017…So we can have a working draft to start discussing on,” sinabi ni Pimentel sa isang panayam sa radyo.
“Because if we convert ourselves, the Congress, into a constituent assembly, or if we call for a Constitutional convention, either way, we need to allot money for that, and likewise, set aside the date of election. We need to pass a law,” aniya pa.
Pinabulaanan din ni Pimentel ang umugong na pangamba kaugnay ng malaking posibilidad umano na abusuhin ni Pangulong Duterte ang kapangyarihan nito at kalaunan ay maging isang diktador.
Ito ay matapos himukin ng Presidente ang mga mambabatas na ikonsidera ang pag-amyenda sa batas na magpapadali para sa isang pangulo upang magdeklara ng batas militar. (Hannah L. Torregoza)