PAYAK at makabuluhan ang pagdiriwang ng ika-435 pagkakatatag ng lalawigan ng Batangas kasabay ng paglulunsad ng Baraka ngayong Disyembre.
Ayon kay Batangas Gov. Hermilando ‘Dodo’ Mandanas, ang Baraka sa Batangas ay sumisimbolo ng pagpapaunlad, pagbabago at tunay na makabuluhang pagtulong sa kapwa.
Ginanap ang foundation activities sa Batangas Provincial Livelihood Center (BPLC) sa Batangas Port, Santa Clara, Batangas City simula noong Disyembre 1 hanggang Disyembre 8.
Ang pagbibigay ng mga programang pangkabuhayan ang binigyang prayoridad sa selebrasyon kaya itinampok ang mga produkto mula sa iba’t ibang bayan sa Batangas Trade Fair.
Nagkaroon din ng ‘mini-Divisoria’ sa gusali ng BPLC tampok naman ang mga produktong ibinebenta sa Divisoria sa Maynila. Kaya nabigyan ng pagkakataon ang mga mamimili na mag-shopping sa presyong Divisoria at hindi na kailangan pang lumuwas sa Kamaynilaan.
Tiniyak naman ng pamahalaang panlalawigan na ang mga empleyado sa mga pamilihan ay mga taga-Batangas.
Ayon kay Mandanas, na isa ring negosyante, ang Baraka sa Batangas ay isa lamang sa mga proyektong ilulunsad sa lalawigan na magpapasulong pa sa ekonomiya ng probinsiya. Kabilang dito ang pagtatayo ng Batangas Logistics International Terminal Zone (BLITZ), isang reclamation undertaking sa kasalukuyang terminal ng Batangas Porthanggang sa boundary ng Shell facility.
Ang libreng feasibility study ay ginagawa ng mga mamumuhunan mula sa China na nagtayo rin sa Port of Shanghai at Port of Ningbo sa Zhejiang.
Isusulong din ang Food Terminal sa Sta. Rita, Batangas City na magkakaroon ng grains handling, food processing, cold storage at slaughter house facilities.
Pinag-aaralan din ng Chinese at American investors ang pagtatayo ng train system para sa pagbibiyahe ng mga cargo at mga pasahero na posibleng itabi sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway.
PRODUKTONG BATANGUEÑO
Itinampok din sa Baraka ang Batangas Province Trade Fair na nilahukan ng iba’t ibang munisipalidad gayundin ang pribadong sektor at iba’t ibang kooperatiba sa lalawigan.
Kaya kung may Divisoria sale sa unang palapag ng gusali ng BPLC, nasa ikalawang palapag naman ang mga booth ng mga lumahok sa trade fair na nagbenta ng mga produktong ipinagmamalaki ng bawat bayan.
Pinaghandaan din ng bawat kalahok ang pagpapaganda ng kani-kanilang booth dahil may premyo sa may pinakamahusay at pinakamaayos na pagkakagawa nito.
Nakamit ng bayan ng San Jose ang unang gantimpala sa Best Booth category na may P75,000 premyo.
Pumangalawa ang booth ng Taal na may premyong P50,000 at pumangatlo ang Calaca na may P30,000 gantimpala, pang-apat ang San Luis (P25,000) at panglima ang Sto. Tomas (P20,000).
Panalo naman sa Best Managed Booths ang mga puwesto ng San Luis at Calaca na nag-uwi ng tig-P15,000.00.
Hindi rin nagpahuli ang mga bayan sa pakikiisa sa paglahok sa Parol-Making Contest at napili ang Stars ng Pasko mula sa bayan ng Taysan sa unang gantimpala (P50,000), pangalawa ang Lian (P30,000) at pumangatlo ang Calatagan (P20,000).
(Lyka Manalo)