Nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang mga opisyales ng sports na football at volleyball matapos na makasama sa apat na sports na nakatakdang sumailalim sa malalim na diskusyom kung makakasama sa pambansang delegasyon na sasabak 29th Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia simula Agosto 19 hanggang 31, 2017.
Sinabi kahapon ni Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated (LVPI) president Jose “Joey” Romasanta na puwersado na magpadala ng koponan sa volleyball ang bansa dahil isa ito sa commitment ng asosasyon sa kinabibilangang Southeast Asian Games Federation (SEAGF) at Asian Volleyball Confederation (AVC).
“We will put up a team by January,” sabi ni Romasanta. “We had set schedule to hold a regional try-out for all interested players in the country wanting to join the SEA Games. We want to have a men and a women team,”sabi pa nito.
Isa ang volleyball sa apat na team sports na nailagay sa matinding usapin matapos naman ilabas ang susundin sa criteria sa susunod na taon na 29th Malaysia Southeast Asian Games na itinakda ng joint Philippine Olympic Committee – Philippine Sports Commission (POC-PSC) SEA Games Task Force.
Ang tatlong iba pa ay ang football, netball at bowling na pawang hindi nakapag-uwi ng medalya sa mga nakalipas na edisyon ng kada dalawang taong pang-rehiyon na torneo.
Ipinaliwanag ni Romasanta na posibleng buuuin nito ang isang koponan na magmumula sa iba’t-ibang komersiyal na liga sa bansa kung wala itong makukuhang mga manlalaro na makapagbubuo ng isang kompetitibong koponan.
Samantala’y umani din ng matinding kritisismo ang posibleng muling hindi pagsama sa pambansang koponan sa football mula sa dating commissioner ng Philippine Sport Commission at ngayon ay muling nagbabalik bilang presidente ng Philippine Weightlifting Association na si Monico Puentevella.
“Football has always been the most watched and considered as the heart of SEA Games, and yet wala tayong representation. I have always been fighting for the inclusion of a football team and I will do it again just to point the importance of the sport,” sabi pa ni Puentevella.
Ang football, na mas ibinaba ang kategorya sa edad na 22-anyos pababa, ay hindi pa nakakapagwagi ng anumang kulay ng medalya sapul na sumali ang bansa sa SEA Games kung saan tanging pinakamalaking nagawa nito ay nang talunin nito ang defending champion na Malaysia noong 1991 Manila SEAG.
Ang volleyball ay huli na nagwagi ng tansong medalya noong 2005 Philippine SEA Games na ginanap sa Bacolod City subalit matapos nito ay wala na naiuwing medalya sa sumunod na mga edisyon.
Ang netball, na hindi man lamang nagwagi maski isang laro at nakalasap ng kabiguan sa average na 54.5 puntos, ay hindi naging aktibo sa nakalipas na dalawang taon at walang inorganisa at sinalihang torneo sa labas ng bansa.
(Angie Oredo)