Nagbanta ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na suspendihin o kakanselahin ang akreditasyon ng Uber at Grab kung patuloy nitong itataas ang singil sa harap ng lumalaking demand sa kanilang serbisyo ngayong holiday season.
Sa isang pahayag, sinabi ng LTFRB na tumanggap ito ng maraming reklamo mula sa mga pasahero na nagsabing umaabot sa P2,000 hanggang P28,000 ang taas-singil ng ride-sharing apps.
Sinabi pa ng ahensiya na hindi ito kinonsulta sa “upfront fares based on predictions” ng Uber. Ang biglaang pagtaas ng singil ay ibinatay umano sa oras at distansiya ng biyahe na nakaapekto sa kabuuan ng pasahe.
Kaugnay nito, hinihikayat ng LTFRB ang publiko na mag-report ng anumang paglabag sa 24/7 hotline ng ahensiya sa 1342 o sa SMS/Viber na 09175501342 or 09985501342. Maaari ring mag-email ng mga litrato o screenshot ng mga isinusumbong na insidente sa [email protected]. (PNA)