Nagpalabas ng schedule ng biyahe ang tatlong pangunahing mass train system sa Metro Manila ngayong Pasko at Bagong Taon.

Batay sa pahayag ng pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT)-3, dakong 4:30 ng umaga ang biyahe nito sa Disyembre 31, habang 8:30 ng gabi naman ang huling biyahe sa North Avenue at 9:14 ng gabi sa Taft Avenue Station.

Ngayong Pasko (Disyembre 25) at sa Bagong Taon (Enero 1), magsisimula ng 6:30 ng umaga ang MRT operations, habang ang last trip sa North Avenue ay aalis ng 10:00 ng gabi, at 10:40 ng gabi naman sa Taft Avenue Station.

Ang unang biyahe ng MRT sa Disyembre 26 at 30 at Enero 2 ay magsisimula ng 4:30 ng umaga at magtatagal hanggang 10:00 ng gabi sa North Avenue at 10:40 ng gabi naman sa Taft Avenue.

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

Pinaikli naman ang operating hours ng Light Rail Transit (LRT)-1 sa Disyembre 25 at 31, 2016 at Enero 1, 2017, ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC).

Ang biyaheng Baclaran-Roosevelt ay magsisimula ng 5:00 ng umaga sa mga nabanggit na petsa, ngunit magkakaiba ang schedule ng last trip.

Dakong 9:30 ng gabi ang huling biyahe sa Baclaran ngayong Disyembre 25 at sa Enero 1, habang 9:50 ng gabi naman sa Roosevelt.

Samantala, ang southbound trains ng Philippine National Railways (PNR) mula sa Tutuban sa Maynila hanggang sa Alabang, Muntinlupa City, ay hanggang 2:37 ng hapon lang sa Disyembre 31.

Ang unang biyahe sa Tutuban Station ay aalis ng 8:37 ng umaga ngayong Disyembre 25 at 10:43 ng umaga naman sa Enero 1, habang ang huling biyahe ng northbound trains ay aalis sa Alabang ng 4:00 naman ng hapon sa Disyembre 31.

Ang unang northbound trip ay magsisimula ng 10:00 ng umaga ngayong Pasko at 12:00 ng tanghali naman sa Enero 1.

(Mary Ann Santiago)