SINIMULAN ngayong taon ang Paskong Payas, ang pinakabagong pang-akit sa mga turista sa Lucban, Quezon, at ipagpapatuloy sa mga susunod na Kapaskuhan.
Ayon kay Mayor Celso Olivier Dator, ang Paskong Payas ay lalo pang palalakasin upang lalong mapasigla ang industriya ng turismo sa kanyang bayan.
Matagal na naging plano lamang ang Paskong Payas, subalit nitong Oktubre 8 ay inilunsad na rin sa wakas upang maging bahagi ng kultura ng mga mamamayan ng Lucban, kahalintulad ng San Isidro Pahiyas Festival tuwing Mayo 15.
Noong nakaraang taon, sinubukan ni Mayor Dator ang Paskong Payas sa Marcos Tigla Park at mainit itong tinanggap ng mga mamamayan. Kaya minabuti niyang palakihin ang okasyon para sakupin na ang buong bayan, na matagumpay namang naisagawa.
Inamin ni Dator na susunod ang Paskong Payas sa Pahiyas Festival na nagsimula lamang sa payak at kakaunting mga kulay at palamuti pero sa pagtitiyaga at ibayong pagtutulungan sa mga Lucbanin ay naging bantog sa buong Pilipinas at maging sa ibang bansa.
“Naniniwala ako na tayong mga Lucbanin ay lubos na alam na kung kailangan nang higit na maunawaaan ang ating sarili at kalahagahan ng Paskong Payas ay walang pasubali na tatanggapin ang bagong hamong ito, upang higit pa tayong makilala at mapatunayang pangunahing bayan o art kapital ng Quezon at maging sa buong bansa sa pagiging makasining at malikhain; sapagkat likas tayong mapanlikha, makasining at masayahin,” aniya.
Itinaon ang pagdiriwang ng Paskong Payas sa paggunita sa pagdadalantao ni Birheng Maria sa sanggol na si Hesus, bilang Patrona Santa ng munisipyo at pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa ating bayan sa malalakas at mapaminsalang bagyo sa Pilipinas at maging sa ibayong dagat, at tatagal hanggang Disyembre 21. Punong-puno ng mga nakahilerang programa at pagtatanghal na may temang ang Paskong Payas sa Lucban, Karanasang Hindi Malilimutan.
Isang paradang pangbayan ang hudyat ng pagsisimula ng festival na nilahukan ng mga kawani sa pribadong sektor at pangpamahalaang bayan at barangay, mag-aaral, mga organisasyon at iba’t ibang samahan.
Ang Paskong Payas ay hindi pagkompetisyon sa San Isidrio Pahiyas Festival kundi karagdagang pagpapatunay na ang Lucban ay may kakayanang manguna at kilalaning tourist spot at tourist destination sa Pilipinas, dagdag pa ni Dator.
(DANNY J. ESTACIO)
[gallery ids="214280,214279,214278,214276"]