KAPANALIG, marahil marami sa atin ang abala ngayon sa paghahanda para sa Pasko. Marami ang umuwi na o umuuwi na sa kani-kanilang probinsiya. Marami ang kasama na ang kanilang mga mahal sa buhay.
Ngayong Pasko, nawa’y magbigay din tayo ng konting panahon upang alalahanin ang libu-libo nating kababayan na namatay dahil sa giyera laban sa ilegal na droga. Makasalanan man o hindi, ang buhay ng lahat ay mahalaga. Sa ngayon, umabot na sa mahigit 6,000 ang namatay at 3,841 rito ay napatay na labas sa police operations o sa tinatawag nating extrajudicial killings (EJK). Lahat sila ay napatay mula Hunyo hanggang Disyembre lamang. Tiyak na maraming pamilyang Pilipino ang mangungulila ngayong Pasko.
Ang nakakalungkot, ang ating pamahalaan ay bingi sa panaghoy ng mga naulila. Base sa huling survey ng Social Weather Station (SWS), walo sa sampung Pilipino ang natatakot na maging biktima ng EJK. Karamihan din sa mga respondent ay nagsasabi na sinusuportahan nila ang laban sa droga, ngunit dapat sana ay buhayin ang mga nahuhuli. Kaya lamang, ang pamahalaan ay pursigidong ipagpatuloy pa ang kasalakuyang stratehiya laban sa droga.
Ngayong Pasko, pukawin nawa ng paggunita sa pagsilang ni Kristo ang ating respeto at pagmamahal sa buhay. Bigyan sana tayo nito ng ibayong pag-asa. Maging liwanag sana natin ang simbolismo ng kapanganakan ni Hesus na noo’y nais din maipapatay ng hari. Sa gitna ng panganib na ito, sa gitna na ng lungkot at kahirapan, isinilang si Hesus. Liwanag at kapayapaan ang bumalot sa lahat, kahit pa may banta pa rin sa kanyang buhay.
Maging inspirasyon sana rin sa atin ang Christmas day message ni Pope Francis noong nakaraang taon. Buhayin nawa nito ang ating mga pagod at naghihinang loob: “Let us open our hearts to receive the grace of this day, which is Christ himself. Jesus is the radiant ‘day’ which has dawned on the horizon of humanity. A day of mercy, in which God our Father has revealed his great tenderness to the entire world. A day of light, which dispels the darkness of fear and anxiety. A day of peace, which makes for encounter, dialogue and, above all, reconciliation. A day of joy: a ‘great joy’ for the poor, the lowly and for all the people.”
Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)