MALIGAYA, masaya at mapayapang Pasko sa lahat ng mga Pilipino. Maligaya at masaya sa piling ng pamilya at mapayapa sa pagtulog sa gabi nang walang kakatok (Oplan Tokhang) at biglang babarilin dahil sa isinusulong na drug war ni President Rodrigo Roa Duterte.

Sana ang Pasko ngayong 2016 ay magdulot ng Tunay na Pagbabago alinsunod sa “Change Is Coming” na ipinangako ni Mano Digong, at hindi araw-araw na pagpatay sa mga ordinaryong drug pusher at user samantalang ang mga bigtime supplier, drug lords ay binibigyan ng tsansang ibigay ang kanilang panig, hinuhuli nang buhay, kinakasuhan at hindi kara-karakang binabaril na parang mga manok!

Ewan ko lang kung ang pagbati ko ng Maligayang Pasko ay magiging maligaya at masaya sa mga pamilya ng mga napatay sa police operations, vigilantes at sindikato ngayong araw na ito. Sila iyong mga pobre, kumain-na-dili, na bunsod ng pagdaralita ay nagugumon sa bawal na gamot. Ewan ko lang kung magiging masaya at maligaya rin ang mga “nasa laylayan ng lipunan” na walang pagsasaluhang noche buena para sa mga anak.

Siyanga pala, marami ang nagsasabi na sa termino ni Pres. Rody, hindi na kailangan pang magsabatas ng death penalty (bitay, lethal injection, bigti, firing squad) sapagkat araw-araw naman daw ay 10 katao ang binabaril at napapatay sa mga operasyon laban sa illegal drugs.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kapag na-restore daw ang parusang kamatayan, sinabi ni PDu30 na limang preso ang ipabibitay niya araw-araw. Dito nangangamba si VP Leni Robredo. Samakatuwid, mas marami pa ang napapatay sa drug war ng Duterte administration, kasama na ang tinatawag na extrajudicial killing (EJK), na maging mga bata, babae at matatanda ay napapatay din kaysa death penalty.

Inihayag ng Malacañang na ang unang pagpatay ni RRD noong siya pa ang alkalde ng Davao City ay bahagi ng “legitimate police action” at ito ay nasiyasat na noon pa at pinawalang-sala siya. Ang pahayag ay ginawa sa Palasyo kasunod ng panawagan ni UN Human Rights Commissioner Zeid Ra’ad Al Hussein na imbestigahan si PRRD.

Hinihiling ni Al Hussein sa mga awtoridad ng Pilipinas, tulad ng Hudikatura na hiwalay na sangay ng gobyerno sa Ehekutibo, na mag-imbestiga at huwag matakot sa umiiral na maramihang pagpatay sa ‘Pinas. Kailangan daw na sundin ang batas (rule of law) at maging malaya sa Executive Branch sa pamamagitan ng paglulunsad ng kaukulang imbestigasyon.

Noong nakaraang linggo, tahasang sinabi ni President Du30 na noong siya pa ang Davao City mayor, sa pagitan ng 1988-2016, nagpapatrulya siya sa mga lansangan ng lungsod lulan sa motorsiklo para hanapin ang mga kriminal. Personal daw niyang binaril at napatay ang ilang kriminal na nanlaban upang magbigay ng halimbwa sa mga pulis na kung ang mayor ay kayang pumatay, kaya rin ng mga pulis.

Sa Paskong ito, panalangin ng mamamayang Pilipino na sana naman ay matigil na ang walang-humpay na pagpatay sa hinihinalang pushers at users. Ang hanapin ninyo Mr. President at Gen. Bato ay iyong bigtime drug lords at suppliers sapagkat kung walang drogang naipamamahagi ang mga hayop na ito, walang magagamit na droga ang mga tulak at adik.

Kung ganoon, itumba ang drug lords at bigyan ng tsansang magbago ang mga pusher at user. Sabi nga ni Cardinal Tagle, mahalaga ang buhay na kaloob ng Diyos! (Bert de Guzman)