Pararangalan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa susunod na buwan ang 10 taxi driver bilang mga katuwang sa kampanya ng ahensiya laban sa mga pasaway na tsuper.

Sinabi ni LTFRB chairman Assistant Secretary Martin Delgra III na sa “Oplan Isnabero” ng ahensiya ay hindi lamang hinihimok ang mga pasahero na isumbong ang mga pasaway na driver, kundi kikilalanin din ang mga nagbigay ng mahusay at natatanging serbisyo sa kanilang mga pasahero.

“We’re planning to give them something on January so they could set an example for other taxi drivers to follow the law,” sabi ni Delgra.

Mahigit isang linggo makaraang ilunsad ang Oplan Isnabero para sa Christmas season, sinabi ng LTFRB head office sa Quezon City na nakatanggap na ito ng 107 reklamo mula sa mga pasahero, batay sa huling tala nitong Disyembre 21.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sa nasabing bilang, 79 ang nagsabing tinanggihan sila ng taxi driver, habang inireklamo rin ang mga arogante at bastos na tsuper, mga nangongontrata, at mga hindi nagsusukli.

“We have raised the level of public consciousness for commuters to be more active, be more aggressive and assertive in their rights as passengers,” ani Delgra.

Ang mga mapatutunayang pasaway na driver at kanilang operator ay maaaring pagmultahin ng P5,000-P15,000 o suspendihin ang prangkisa. Posible ring bawian ng lisensiya ang mga driver kapag napatunayang totoo ang reklamo laban sa kanila.

Kasabay ng pagiging epektibo ng kampanya, sinabi rin ng LTFRB chief na “equally effective” rin na estratehiya ang pagbibigay-pagkilala sa mga taxi driver na tumalima sa mga patakaran ng ahensiya at nagbigay ng maayos na serbisyo sa kanilang mga pasahero.

“We also would take note of drivers who would really go out of their way to pick up passengers because that is what they are obligated to do under the franchise. We would appreciate if the passengers can report them to us also,” ani Delgra.