“AT may mga pastol ng tupa sa lupain ding yaon na nasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan. At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila:
at sila’y totoong nangatakot.
“At sinabi sa kanila ng anghel, ‘Huwag kayong mangatakot; sapagkat narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan: Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon. At ito ang sa inyo’y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang sabsaban.
“At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi:
Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”
Sa sinulat na ito ni San Lucas nalaman ng mundo ang kapanganakan ni Kristo na ipinagdiriwang ngayon ng mga Kristiyano sa buong mundo. Ang abang mga pastol ang unang binalitaan ng mga anghel. Hindi naglaon, dumating na ang tatlong haring mago na ginabayan ng tala mula sa silangan – ayon naman sa salaysay ni San Mateo.
Kabalintunaan na sa bahagi ng mundo na sinilangan ni Kristo nagaganap ang napakaraming sigalot, kaguluhan at karahasan ngayon. Napakalapit lamang sa hilaga ng Bethlehem sa Israel ng bansang Syria, na limang taon nang may nagaganap na giyera sibil at 500,000 katao na ang namamatay. Nagaganap sa siyudad ng Aleppo sa Syria, ang sinasabi ng United Nations High Commissioner on Human Rights na, “crimes of historic proportions” na diumano’y ginagawa ng mga sundalong Syrian sa mga sibilyan na naiipit sa mga labanan.
Sa silangan naman ng Syria matatagpuan ang Iraq, na may marahas ding labanan ang Islamic State at mga kaalyado nito kontra sa mga sundalo ng Iraq. Nasa hilaga naman ng Syria ang Turkey na nitong nakaraang Martes lamang ay may Russian ambassador na pinaslang ng armadong lalaki na sumigaw ng, “Don’t forget Aleppo!”
Sa Jordan, sa silangan ng Israel, nabahiran ng dugo ang kapayapaan nitong nakaraang Linggo nang salakayin ng mga armadong kalalakihan ang Crusade castle sa Karak, na ikinamatay ng sampung pulis, mga sibilyan at isang turista. Sa timog-silangan sa dulo ng Saudi Arabia, matatagpuan ang Yemen na nitong nakaraang Linggo ay mahigit 10 sundalong Yemeni ang napatay ng isang suicide bomber sa Aden. At sa Mediteranean Sea sa kanluran ng Israel, libu-libong mga Syrian at iba pang mga refugee na tumatakas sa Gitnang Silangan ang nalulunod sa paglubog ng kanilang mga bangka sa hangaring makarating sa Europe.
May mga karahasan at sigalot din sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ngunit nagaganap ang karamihan sa mga ito sa mga lugar na nakapaligid sa Banal Na Lupain, na may mga anghel na umawit ng kapayapaan at pagkalugod ng Diyos nang gabing isilang si Kris sa Bethlehem.
Dito sa ating bansa, may labanan din ang mga sundalo at ang Abu Sayyaf at ang Maute sa Mindanao, ngunit ang usapang pangkapayapaan sa mga pangunahing puwersa ng rebelde at komunistang New People’s Army ay nagbibigay ng pag-asa sa mga kababayan natin sa naturang lugar na matatapos na ang lahat ng ito. Nanawagan si Presidente Duterte ng kapayapaan para sa lahat ngayong Pasko. “Maybe we can resume fighting some other day,” sabi niya.
Nang gabing isilang si Kristo, umawit ang mga anghel ng papuri: “Luwalhati sa Dios sa kataastaasan.” At ng pag-asa para sa sangkatauhan: “At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”
Ngayong Pasko, samahan natin si Presidente Duterte at ang lahat ng iba pang mga pinuno sa panawagan at pagdarasal para sa kapayapaan – dito sa ating bansa at sa buong mundo, lalo na sa Banal Na Lupain at sa mga bansang nakapaligid dito at sa buong Gitnang Silangan.