CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Kalaboso ang isang 38-anyos na magsasaka na sa masidhing pagnanais na maiganti ang kadugo ay pinugutan ang isang driver at pinagtataga ang dalawang-buwang buntis na dating kinakasama ng kanyang kapatid, sa bayan ng Pinamalayan.

Kinilala ni Senior Supt. Christopher C. Birung, director ng Oriental Mindoro Police Provincial Office (PPO), ang mga biktimang sina Merly A. Gutierrez, 32, ng Sitio Gulayan, Barangay Pili; at Resty Pinto, driver, ng Sitio Upper Bongol ng parehong barangay.

Ayon sa imbestigasyon, Miyerkules ng hapon ay kainuman ni Pinto si Honesto Luna, ang bagong live-in partner ni Gutierrez, sa bahay ng huli nang dumating ang suspek na si Victor Gaca, 38, at nakitagay sa dalawa.

Makaraang maubos ang dalawang bote ng gin, dakong 8:00 ng gabi, ay inihatid ni Luna sa labas ng bahay ang pauwi nang si Pinto nang biglang sumugod si Gaca mula sa loob ng bahay, bitbit ang isang bolo at sumugod para tagain si Luna.

Probinsya

Suspek sa pinatay na 7-anyos na batang babae, nakainom bago upan ang biktima!

Gayunman, nakailag si Luna at si Pinto ang tinamaan kaya nagtatakbo nang palayo ang una habang paulit-ulit namang pinagtataga ni Gaca si Pinto hanggang sa tuluyang mapugot ang ulo nito.

Napaulat na narinig ni Gutierrez ang komosyon at lumabas ito ng bahay ngunit sinugod din siya ng taga ng suspek.

Nang rumesponde ang mga pulis sa lugar, natagpuan ang duguang bangkay ni Pinto sa pagkakalupasay sa lupa at ang ulo nito ay matatagpuang ilang metro ang layo sa katawan, habang duguan din sa hindi kalayuan si Gutierrez na putol na ang kaliwang braso.

Naaresto si Gaca, at kinukumpirma na ngayon sa imbestigasyon kung may kinalaman ang krimen sa galit ng suspek kay Luna at kay Gutierrez, na dating kinakasama ng kanyang kapatid. (JERRY J. ALCAYDE)