NGAYON ang araw na ating pinakaaabangan at pinaghahandang nang husto. Sumapit na ang Pasko, ang panahon ng pagdiriwang sa kaarawan ni Hesukristo na ating Panginoon at tagapagligtas. Ipinanganak si Hesus sa Bethlehem mahigit dalawang libong taon na ang nakalilipas, ngunit ang kasiyahan ay patuloy na nararamdaman at nararanasan ng lahat ng tao magpahanggang ngayon. Naipasa sa iba’t ibang henerasyon ang kasiyahang naramdaman nina Maria at Jose, ng mga pastol, tatlong haring mago, at ng lahat na mga taong itinuturing na mababa noong panahong ipinanganak si Hesus. Si Hesus na isinilang sa pinakamababang kalagayan sa isang gabing mapayapa, ay tunay na halimbawa ng pagmamahal at pagkahabag ng Ama; siya ang ating Emmanuel – ang Diyos na ating kasama! Dumating siya sa daigdig at naging katulad natin sa lahat ng bagay bilang katiyakan sa katapatan ng Diyos sa kanyang pangako na minamahal at inaalagan niya ang lahat.
Isa sa mga pinakakilalang dekorasyon tuwing Pasko sa buong mundo ang Nativity Scene o Christmas Creche o Belen.
Sinimulan at pinasikat ang nasabing tradisyon ni Saint Francis of Assisi. Ito ay naganap noong 1223, tatlong taon bago ang kanyang kamatayan, bumista si Francis sa Grecio, maliit na bayan na itinayo sa gilid ng bundok na tanaw ang napakagandang lambak. Pinayabong ng mga tao ang lugar sa pagkakaroon ng taniman ng ubas. Napagtanto ni Francis na ang napakaliit ng kapilya ng Franciscan hermitage kaya hindi magkakasya ang dadalong mga mananampalataya para makinig ng sa Misa ng Pasko sa madaling araw. Kaya naisipan niyang magtayo ng altar sa mga batuhan na malapit sa bayan. Sa misa, laging ikinukuwento ni Francis ang istorya ng Pasko.
Sa kanyang talambuhay, inilarawan ni Saint Bonaventure ang naganap nang gabi iyoyon. “The brethren were summoned, the people ran together, the forest resounded with their voices, and that venerable night was made glorious by many and brilliant lights and sonorous psalms of praise. The man of God (Francis) stood before the manger, full of devotion and piety, bathed in tears and radiant with joy; the Holy Gospel was chanted by Francis, the Levite of Christ. Then he preached to the people around the nativity of the poor King; and being unable to utter His name for the tenderness of His love, He called Him the Babe of Bethlehem.”
Sa tulong ng Belen, naitanim ni Saint Francis sa isip ng mga tao noong kapanahunan niya na si Panginoong Hesukristo ay nagtungo sa mundo sa pinakapayak at pinakamapagkumbabang paraan. Ang ganitong kapayakan, kababaang-loob, pagpapasensiya ang dapat tularan ng lahat ng tao na itinuturing ang sarili bilang Kristiyano. Maraming salamat kay San Francisco sa pagsisimula ng tradisyon na hanggang ngayon ay ipinagpapatuloy ng mga Kristiyano. Sadyang makabuluhang paalala ang Belen na labis ang kasimplihan ngunit taimtim ang gabi nang dumating ang panahon ng pagliligtas sa ating mundo. Sa mga dekorasyon tuwing Pasko, makikita natin ang kahalagahan ng ating ipinagdiriwang ngayon. Hindi nagtungo sa mundo si Hesukristo na marangya ang buhay. Pinili niya ang madilim na gabi upang magliwanag ang kanyang pagmamahal at tanging ang mga tao lamang na may puwang sa puso para sa Kanya ang tanging makakatagpo sa kanya.
Sa kanyang General Audience sa Vatican noong Disyembre 14, hinikayat ni Pope Francis na ibigay ang ating buong atensiyon kay Hesus ngayong Pasko. Aniya: “The Christmas, may open our hearts to the message of salvation brought by the Christ Child, the Son of God who shows his great power by embracing smallness, weakness, and poverty, in order to draw near to each of us.” Binigyang-diin ng Santo Papa ang misteryo ng ating pananampalataya bilang Kristiyano na lagi nating ginugunita at pinagninilayan tuwing Kapaskuhan: Nagkatawang-tao ang Panginoon para tayo ay muling maging dakila; nagpakababa Siya upang tayo’y itaas. Ano pa ang mas hihigit sa regalo na minamahal ka sa kahanga-hangang paraan? Tuwing ipinagdiriwang natin ang Eukarista, pinapaalalahanan tayo ng regalo na ito at lumalapit tayo sa Panginoon na may buong pasasalamat ang ating puso sa labis na pagmamahal niya sa atin. Sa Eukarista rin, hinihimok tayo na maging tulad ni Hesus sa kanyang pagiging payak at kababaang-loob.
Ngayong Kapaskuhan, tanggapin natin lahat ang hamon na tularan si Hesus sa pamamagitan ng simpleng pamumuhay upang ang iba ay magkaroon ng simple ring pamumuhay. Matuto tayong magpahalaga sa karangalan ng buhay at sa kabanalan ng mundo at sa nakukuha nating yaman dito. Mamuhay tayo at magmahal tulad ni Hesus.
Binabati namin ang lahat ng aming mambabasa ng maligaya at makahulugang Pasko. Ngayong mapagpalang panahon, nawa’y maging ilaw at buhay natin si Kristo na isinilang sa payak at mapagkumababang paraan sa Bethlehem.