PARIS (AFP) – Isandaang porsiyentong epektibo ang prototype vaccine para sa Ebola sa pagpoprotekta laban sa nakamamatay na virus, sinabi ng World Health Organization (WHO) kahapon.

Kapag walang naging aberya, mailalabas na ang bakuna sa 2018, ayon dito.

Sa malaking clinical trial, halos 6,000 katao sa Guinea ang binigyan ng test vaccine noong nakaraang taon sa harap ng epidemya ng Ebola.

Lumabas na wala kahit isa sa kanila ang kinapitan ng sakit.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ngunit sa isang kontroladong grupo ng volunteers na hindi tumanggap ng bakuna, nagkaroon ng 23 kaso ng Ebola, iniulat ng mananaliksik sa The Lancet medical journal.

“If we compare zero to 23, this strongly suggests that the vaccine is very effective, that it could be up to 100 percent effective,” sabi ni Marie-Paule Kieny, assistant director-general ng WHO at lider ng pag-aaral, sa AFP.

Kinalkula ng kanyang grupo, binubuo ng tatlong dosenang researchers, ang 90-porsiyentong posibilidad na magiging epektibo ang bakuna, tinawag na rVSV-ZEBOV, sa mahigit 80% ng mga kaso.

Ang Ebola virus ay unang natukoy noong 1976 sa ngayon ay Democratic Republic of Congo. Kabilang sa mga sintomas nito ang pagsusuka, pagtatae, organ failure at internal bleeding.

Ang bagong bakuna ay unang dinebelop sa Canada ng public health authorities bago sinalo ng pharmaceutical giant na Merck.

Isusumite ito ng Merck sa mga awtoridad ng kalusugan sa United States at Europe sa susunod na taon sa ilalim ng fast-track approval process.

“We may have a vaccine which is registered in 2018,” ani Kieny sa mamamahayag sa press conference nitong Huwebes.