Habang isinusulat ang balitang ito, nanganganib ang buhay ng isang lalaki matapos gulpihin at pagsasaksakin ng tatlong lalaki na hindi umano nito pinakanta sa videoke sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Nakaratay ngayon sa isang ospital si Monsour Vinzon, 24, ng No. 265 Mithi Street, Tondo, Maynila.

Naaresto sa isinagawang follow-up operation ang suspek na si Jerome Cabanilla, 24, ng No. 1228 Medina Street, Barangay Gen. T. de Leon, Valenzuela City, habang tinutugis naman ang dalawa pa niyang kasama na sina “Sadam” at “Joseph”.

Base sa report, dakong 7:00 ng gabi, dumalo ang biktima sa birthday party ng kanyang kaanak sa No. 1227 Medina St., Bgy. Gen. T. de Leon.

Probinsya

Pamilya, nasagip matapos bumagsak isang tulay sa Masbate

Sa gitna ng pagdiriwang, dumating ang lasing na mga suspek at nakiupo sa inuman, gayong hindi naman sila imbitado.

Kinuha ni Cabanilla ang mikropono para mag-videoke, ngunit hindi siya pinakanta ng may okasyon.

Galit na umalis ang grupo ng suspek at inabangan ang pag-uwi ni Vinzon.

Nang makitang naglalakad na ang biktima, pinagtulungan na itong gulpihin ng mga suspek at pinagsasaksak.

Kasong frustrated murder ang kinakaharap ng grupo ni Cabanilla. (Orly L. Barcala)