Isang magkapatid na hinihinalang drug pusher ang napatay habang arestado naman ang isang babae matapos umanong manlaban sa ikinasang buy-bust operation sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga nasawing suspek na sina Roderick Alba, alyas “Eric”, 45; at Ricardo Alba, 47, at ang inaresto ay si Rosalie Osial, nasa hustong gulang, pawang residente ng 1990 Almeda Street, Tondo.

Sa imbestigasyon ni PO3 Ryan Jay Balagtas, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 11:25 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng MPD-Station-7, laban sa magkapatid sa loob ng kanilang tahanan.

Nagsilbi umanong poseur buyer si PO2 George Borabo ngunit nang nagkaabutan na ng pera at shabu ay nakahalata ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mabilis umanong bumunot ng baril si Richard at tinangkang barilin ang poseur buyer ngunit naunahan at napatay siya ni Borabo.

Tinangka namang tulungan ni Eric ang kapatid at nagpaputok ng sumpak ngunit binaril ito at napatay ng back-up na pulis na si PO1 Menz Kimwell Esteban.

Si Osial naman, na sinasabing nag-abot at nagpamili pa ng shabu sa poseur buyer, ay kaagad ding inaresto ng mga pulis at kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Narekober ng mga pulis mula sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver, isang sumpak, P200 marked money, drug paraphernalia at siyam na plastic sachet ng shabu. (Mary Ann Santiago)