Patay ang isang abogado habang kritikal naman ang anak niyang abogado rin makaraan silang pagbabarilin ng security guard na nakaaway nila sa parking space sa Cebu City, dakong 8:45 ng gabi nitng Huwebes.
Batay sa imbestigasyon ng Cebu City Police Office (CCPO), nangyari ang insidente sa labas ng law office ng mag-ama sa F. Ramos Street.
Ayon sa CCPO, napatay si Atty. Gering Paderanga, 62, habang malubha naman ang lagay ng anak niyang si Atty. Geric Paderanga, 30, dahil sa tama ng bala sa ulo.
Ang mga biktima ay asawa at anak ni Cebu City Regional Trial Court Judge Sylvia Paderanga.
Sa pagsisiyasat ng Fuentes Police ng CCPO, sakay ang mag-ama sa kanilang kotse nang lapitan ng suspek na si Jonathan Sanchez, ng Barangay Inayawan, Cebu City.
Pinagbawalan umano ni Sanchez ang pagpa-parking ng nakababatang abogado dahil may concrete mixer na papasok sa kalapit na construction area.
Nagtalo ang dalawa, at pinaniniwalaang nakisali na rin ang nakatatandang Paderanga hanggang sa bumunot ng kanyang .9mm caliber na service firearm si Sanchez at pinagbabaril ang mag-ama.
Tumakas ang suspek na pinaghahanap na ngayon ng pulisya upang papanagutin sa kasong double homicide. (Fer Taboy)