15673482_1664759413550162_639785389_n-copy

DALAWAMPU’T limang taon nang ipinagdiriwang ang Kamundagan Festival sa Naga City. Pagkatapos magpasasalamat ang buong Kabikolan sa patnubay at gabay ni Birhen Maria sa religious activities sa Peñafrancia festival tuwing Setyembre, ang Kamundagan (Pagsilang ni Baby Jesus o Nativity) ay idinaraos naman sa buong buwan ng Disyembre.

Ngayong taon, muling pinasigla ang mga Nagueño ng mga kasiyahan sa Kamundagan, mula sa parada, kumikinang na mga punongkahoy sa Plaza Rizal, Plaza Quezon at Plaza Quince Martirez at sa buong lungsod, mga parol na nakasabit sa bawat business establishments at government offices, pagsisindi ng giant Christmas Tree na napapalamutian at may iba’t ibang kulay ng ilaw at Christmas balls, hanggang sa mga programang nasisilayan gabi-gabi hanggang New Year.

Isa sa highlights ang street parade gabi-gabi na nilalahukan ng 27 barangay ng siyudad, non-governmental organizations, at local business club sa pagpasok pa lamang ng Disyembre. Lumiliwanag ang dinadaanan ng parada sa naggagandahan at naiilawang mga karo na sumisimbolo ng Holy Nativity. Inaabangan din ng mga nanonood ng parada ang kiri-kiti o sparklers.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Katuwang ni Naga City Mayor John Bongat sa mga paghahanda para sa Kamundagan Festival ang kanyang maybahay na si Farah, na nagsabing naging bonding na ng mga pamilya ang okasyong ito na nagiging tourist attraction na rin sa paglipas ng mga taon.

Ilang taon na siyang chairman at committee organizer ng Kamundagan Festival na taun-taon ay binabago nila ang tema.

Sa maingat na paghahanda at paglalaan ng panahon sa bawat detalye, ang simpleng basura ay nagiging makulay, matingkad at kaakit-akit na Christmas decors at improvised mechanism sa kamay ng mga taga-barangay na nagiging malikhain upang mapasaya ang mga tao.

Ang mga nananalo sa paligsahan sa paggawa ng Belen, parol, at street dance ay nag-uuwi ng cash prizes na umaabot sa P100,000.00 -- na mapupunta naman sa priority project ng barangay.

Tuwing ika-15 ng Disyembre, ipinagdiriwang din ang Charter Anniversary ng Naga, na naibukod sa Camarines Sur bilang chartered city noong 1948. Taong 1991, sa unang termino ni Mayor Jesse Robredo, saka pa lamang napag-isa ang buong buwan ng Disyempre bilang ‘Kamundagan.’

Pinaghalong turismo at pananampalataya ang pangunahing dahilan ng pamahalaang lungsod sa pagtataguyod sa Kamundagan Festival. Bukod sa pagdiriwang ng Peñafrancia Festival, dinarayo pa rin ng Marian devotees ang Naga tuwing Disyembre.

Ayon kay Mayor Bongat, nakaangkla sa pormulang ito ang pag-usbong ng ekonomiya at turismo sa lungsod. Ang good governance, na isinilang sa Naga City, ay bunga rin ng mga kumbinasyong ito ng makulay na kultura sa siyudad.

Bukod sa malalaking awards sa maayos na pamamahala ng city government, mula sa P500,000.00 per-capita income ng Naga City taun-taon simula noong 2010, ngayong taon ay pumalo na ito sa P1 billion.

Umabot na sa record na 1.2 million ang mga turistang naitala nila ngayong taon. Ito ang nagpausbong sa hotel and accommodations na patuloy pa ring lumalago, ayon sa records ng Naga City Chamber of Commerce and Industry.

Naniniwala si Mayor Bongat na ang mga biyayang ito ay bigay ni Birhen de Peñafrancia at ni Jesucristo. Kaya ang pagdiriwang ng Kamundagan Festival ay hindi lamang pangturismo kundi patuloy na pasasalamat sa patnubay ng dakilang patrona ng Bicol at ng kanyang anak.

“Our lives as public servants is a poor attempt to imitate the life and service of Christ. But it is in this imperfection that we take pride about giving up and giving our best instead. For our people, for our nation. We are humble instruments, and in utmost humility, we remember today the birth of Christ, as we celebrate in solidarity with his passion and love for mankind,” mensahe ni Bongat sa Kamundagan Festival. (RUEL SALDICO)

[gallery ids="214008,214007,214006"]