BILANG tulong sa masipag na kampanya ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte upang lalo pang maakit ang maraming turista, bubuo ng samahan ang hotel owners at managers dito.

Inihayag ni Ianree Raquel, head ng Provincial Tourism Office (PTO), na makakatulong ito para maging komportable ang mga turista at bisita sa de-kalidad na serbisyo at maiwasan ang fly by night accommodation facilities, na hindi accredited ng Department of Tourism.

Nitong nakaraang apat na taon, nakalikha ng maraming oportunidad para sa mga residente ang lumalagong industriya ng turismo sa Ilocos Norte. Gayunman, sinabi ni Raquel na nagdudulot ng mga problema sa lisensiyadong hotel at resort owners ang dumaraming unaccredited budget tour operators, transients, at home stays, partikular na sa paligid ng Laoag.

“We really need to have a solid stand on regulation — to standardize rates with the cooperation of private stakeholders so we can control prizes and ensure quality service,” aniya.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ngayong linggo ay nagkaroon ng pulong ang PTO at ang mga may-ari ng hotel at managers para talakayin ang pangmatagalang mga plano ng probinsiya sa tourism development at kung paano sila magtutulungan para mapanatili ang turismo at pagpapalago ng ekonomiya rito.

Kapag naorganisa na ito, hinihimok ng PTO ang mga restaurant, hotel, at iba pang may-ari ng tourism facility sa probinsiya na magbukas ng partnership sa gobyerno at iba pang investor upang matiyak ang mahusay na serbisyo sa mga customer.

“This is our first step as we are expanding rapidly,” ani Raquel na ibinalita ring inaasahan ng pamahalaang panlalawigan ang mas malakas na product development at marketing efforts na nakatuon sa mas maraming domestic tourist arrival kabilang ang mga Chinese at Ilocano “balikbayan” o mga bakasyunista.

Sa ngayon, mayroong mahigit na 2,600 accredited room sa Ilocos Norte at umaabot sa 64 porsiyento ang bumabalik na mga bisita. Halos lahat ng hotel sa probinsiya ay nagdaragdag ng mga kuwarto at ang ibang investor naman ay nagpapatayo ng mga karagdagang hotel at ang iba pa ay nagbubukas ng mga bagong restaurant. (PNA)