Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) sa mga magmamaneho na iwasang magpakalasing ngayong kabi-kabila ang mga dinadaluhang kasiyahan kasabay ng pagpapaigting ng ahensiya sa kampanya nito laban sa drunk driving ngayong Pasko.

Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante na malaking multa ang babayaran ng mga lalabag sa batas at magpapatuloy sa pagmamaneho kahit na lasing.

Aniya, pagmumultahin ang lasenggong driver ng mula P30,000 hanggang P80,000, at hanggang isang taon namang sususpendihin ang lisensiya ng sinumang mahuhuli sa akto.

Sinabi pa ni Galvante na maaari ring pagbawalan nang magmaneho ang mahuhuli sakaling masangkot sa aksidente o makapagdulot ng pinsala o kamatayan sa kapwa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We have been warning them even before. (And this applies) not only for this period, but for all seasons. Apparently, the public does not heed and some dare to drink and drive,” ani Galvante.

Kaugnay nito, plano rin ng LTO na bumili ng mas maraming breath analyzing device, dahil sa ngayon ay mayroon lamang 150 ng nasabing apparatus ang ahensiya para sa buong bansa. Ayon kay Galvante, balak ng LTO na bumili ng mahigit 300 pa nito. (Vanne Elaine P. Terrazola)