Dalawa ang napatay at dalawa rin ang malubhang nasugatan nang salakayin ng riding-in-tandem ang Christmas party ng magbabarkada sa Quezon City, bago maghatinggabi kahapon.

Kinilala ni Police Supt. Lito E. Patay, hepe ng Batasan Police Station 6, ang nasawing sina Ruel Manuel, 40; at Melchor Chielos, nasa hustong gulang, pawang residente ng 1028 Riverside Ext. Barangay Commonwealth, Quezon City.

Sugatan naman ang kanilang kainuman na sina alyas “Kiko” at “Paul”, residente rin ng nasabing barangay.

Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Police Station 6 (QCPD-PS6), dakong 11:50 ng gabi dumating ang riding–in-tandem sa Christmas party ng magbabarkada.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa gitna ng selebrasyon, habang masayang nag–iinuman ang mga biktima, walang habas na pinagbabaril ng dalawang lalaki, kapwa nakasuot ng helmet, ang apat na nag-iinuman.

Nang mapawi ang usok, nakita na lamang ang duguang bangkay nina Manuel at Chielos na may tama ng bala sa ulo at katawan.

Habang malubhang nasugatan sina Kiko at Paul na agad naisugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) at ngayo’y nasa maayos nang kondisyon.

Ayon sa pulisya, sadyang kinursunada umano ng mga suspek ang dalawang biktima dahil dati umanong sangkot ang mga ito sa ilegal na droga at sumuko na umano sa Oplan Tokhang. (Jun Fabon)