Inihayag kahapon ng National Disaster, Risk Reduction and Management Council (NDRMMC) na nasa “Blue Alert” status na ngayon ang ahensiya sa inaasahang pagla-landfall ng bagyong ‘Nina’ (international name Nock-Ten) sa Bicol Region ngayong weekend, partikular na bukas, Araw ng Pasko.

Sinabi ni Undersecretary Ricardo B. Jalad, NDRMMC Executive Director at concurrent Office of Civil Defense (OCD) administrator, na Huwebes pa ay nakaalerto na ang mga disaster official sa Region 5 kaugnay ng inaasahang pananalasa ng bagyong Nina.

Ayon kay Jalad, posibleng maging bagyo (may bilis na 118-220 kilometers per hour) ang Nina bago tuluyang mag-landfall sa Bicol Region bukas ng hapon o gabi.

Aniya, inaasahang dadaanan ng Nina ang Southern Luzon, gayundin ang Metro Manila at lalabas sa Bataan-Zambales area.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Moderate to heavy rains is expected over areas along Nina’s path. Residents in low-lying areas are alerted against possible landslides and flooding,” sabi ni Jalad. “All Regional and Local DRRM Councils concerned have been advised to take appropriate actions and initiate pre-emptive evacuation as necessary.”

Posible rin ang mga storm surge sa mga baybayin ng Quezon, Bicol at Samar sakaling lumakas pa ang Nina.

Dakong 3:00 ng umaga kahapon nang pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Nina, at dakong 11:00 ng umaga ay nakamataan sa 790 kilometro silangan ng Guiuan, Eastern Samar taglay ang hanging aabot sa 105 kph malapit sa gitna at bugsong 130 kph.

Kumikilos ito pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.

5 PATAY SA BAHA SA SAMAR

Samantala, kinumpirma naman kahapon ng Office of Civil Defense (OCD) na limang katao ang nasawi sa pagbaha sa Samar dala ng sama ng panahon sa nakalipas na mga araw.

Ayon sa report sa OCD mula sa tanggapan ng OCD-Region 8, dalawa ang nasawi sa Northern Samar, dalawa sa Eastern Samar at isa sa Samar.

Kinilala ang mga namatay na sina Elpidio Zacate, ng Barangay Manatang, Taft, Eastern Samar; Jerome Baylen, ng Bgy. San Isidro, Las Navas, Northern Samar; Robert Laodenio, ng Mapanas, Northern Samar; Primitivo Lazarra, ng Bgy. San Vicente, Dolores, Eastern Samar; at Phil Oracio, ng Matuguinao, Eastern Samar.

Batay sa report ng OCD-8, umabot na sa 19,387 pamilya ang naapektuhan ng baha at landslide sa Eastern Samar, 3,040 sa Samar at nasa 8,805 naman sa Northern Samar. (FRANCIS WAKEFIELD, ROMMEL TABBAD at FER TABOY)