IKA-24 ngayon ng malamig na Disyembre, bisperas ng Pasko. At kaninang madaling araw, natapos na ang huling Simbang Gabi na tampok ang Misa de Gallo. Pasasalamat at paghahanda sa Pasko na pagdiriwang sa pagsilang ng Dakilang Manunubos na alay ng Diyos Ama sa sangkatauhan. Sa mga kababayan natin na nag-Simbang Gabi at dumalo sa Misa de Gallo, may kani-kanyang layunin. May naniwala na ang Simbang Gabi at ang malamig na simoy ng hangin sa madaling araw ay nakagiginhawa sa kanilang kaluluwa. Nakadama ng kapayapaan sa puso at kalooban. At sa maraming Pilipino na may pananalig at naniniwala sa kabutihan ng Dakilang Maykapal, ang pagdalo sa Misa de Gallo ay naghatid ng biyaya. Nakapagpasalamat sa Diyos sa ipinagkaloob na patnubay at gabay sa paglalakbay sa buhay. Sa nabuhay na pag-asa at tumibay na pananampalataya.
Sa pagwawakas ng Simbang Gabi, nag-iwan ito ng makukulay at masasayang alaala at gunita sa ating mga kababayan na naniniwala sa mensahe at diwa ng unang Pasko. Pag-ibig, Pag-asa at Kapayapaan. Bahagi rin ng alaala ang mga kinain na kakaning Pilipino matapos magsimba tulad ng putobumbong, bibingka at suman. Ang ininom na mainit na tsaa na may dahon ng pandan. Ang pagsagot ng “Oo” ng dalagang niligawan ng binata sa kasagsagan ng Simbang Gabi.
Kasunod na ang Noche Buena o Christmas Eve. Ito ay pagsasalu-salo ng mga pamilya para sa nasabing pagdiriwang. Saan mang panig ng mundo, ipinagdiriwang ang natatanging okasyong ito sa pamamagitan ng iba’t ibang ritwal tulad ng pagdaraos ng Misa de Aguinaldo o midnight mass sa mga Simbahan sa buong bansa. Ang Noche Buena ang anti-climax ng pagdiriwang ng Pasko na tradisyong karugtong ng Simbang Gabi na minana natin sa mga misyonerong Kastila. Ang Noche Buena ay isang hamon (challenge) upang maging makatotohanan ang diwa ng awiting “Silent Night, Holy Night”. Banal na Gabi ng Kapayapaan.
Ang Noche Buena ang pinakatampok na gabi sapagkat magbubuklod-buklod ang bawat pamilya sa pagmamahalan ng bawat isa.
Lalong tumitibay ang samahan sa pamamagitan ng pagsasalu-alo sa niluto at inihandang pagkain. Isang magandang pagkakataon din na makasalo ng pamilya ang ibang kaanak na balikbayan. Ang Noche Buena ay karaniwang ginaganap matapos magsimba at dumalo sa Misa de Aguinaldo o Midnight mass ng mag-anak.
Sa hapag ng mga maykaya sa buhay, mayaman at nakahilata sa salapi, bahagi ng pinagsasaluhan sa Noche Buena na nasa mesa ay adobong manok, pabo, litson, hamon, fruit cake, prutas, tinapay, spaghetti, red wine at iba pang masarap na pagkain na mahihiyang gapangan ng langgam. Sa mga mahirap at busabos, sapat na ang biniling magkayapos na suman sa lihiya o buli. Isasawsaw sa pulang asukal o palalanguyin sa anemik na tsokolate. Sa agahan, pritong galunggong, dilis o kaya ay tuyo na ang sawsawan ay sukang may pinitpit na bawang. Sinangag na kanin at kapeng anemik sa gatas.
Masarap man o hindi ang pagkaing inihanda at pinagsasaluhan, ang Noche Buena ay parang ginintuang sandali at alaala na pagtitipon ng mag-anak o pamilya. At sa hirap o ginhawa, naniniwala ang mga Pilipino na ang Pasko ay isang araw na may natatanging kahulugan: pagdiriwang ng pagpapahalaga sa pamilya. (Clemen Bautista)