BILANG bahagi ng kanyang pagsisikap na matamo ang kapayapaan sa pakikipag-usap sa Communist Party of the Philippines (CCP) at sa sandatahang yunit nito, ang New People’s Army, inaprubahan ni Presidente Duterte ang pagpapalaya sa 20 bilanggong pulitikal. Inaasahan na makalalaya sila bago sumapit ang Disyembre 26, ang ika-48 anibersaryo ng CPP.
Kasama sa mga palalayain ang matatanda at maysakit na bilanggo sa makataong kadahilanan, sabi ni Secretary Silvestre Bello, ang chairman ng government peace panel.
Nitong nakaraang buwan, pinagkalooban ng Supreme Court, sa bisa ng habeas corpus petition, ng kalayaan ang negosyanteng si Rolito Go na nakapagsilbi ng 20 taon sa kanyang 40-taong sentensiya sa pagpatay sa isang estudyante noong 1991.
Ang grupo ng mga bilanggo na karapat-dapat lamang na makalaya sa kulungan, ayon kay Buhay party-list Rep. Lito Atienza, ay ang libu-libong preso na lumampas na sa kanilang sentensiya o sa panahon na dapat nilang ipamalagi sa kulungan pero patuloy pa ring nagdurusa sa loob dahil sa mabagal na paggulong ng sistema ng katarungan sa bansa.
Marami ang bilanggo na maikli lamang ang sentensiya pero nagtatagal sa kulungan dahil walang mga abogado na nag-aasikaso ng kanilang mga kaso. “This is one of the reasons we are absolutely against the death penalty,” sabi ng congressman. “Because of our defective and disjointed criminal justice system, only the poor who cannot afford lawyers will be sentenced to death.”
Hinimok ni Atienza si Presidente Duterte upang atasan ang Bureau of Jail Management and Penology na rebisahin ang mga kaso ng mga bilanggo sa lahat ng kulungan sa bansa. Ang Presidente, maaari nating idagdag, ay maaari ring atasan ang bureau na suriin ang kondisyon ng mga kulungan na may nagsisiksikang mga bilanggo at kulang sa mga pangunahing pangangailangan para sa makataong buhay. Natunghayan ng buong mundo ang kalagayang ito nitong nakaraang linggo sa isa sa winning photos of the year ng Agence France Presse na naglantad sa nakagigimbal na kondisyon ng mga bilanggong nagsisiksikan sa pagtulog sa sementadong sahig at sa mga hagdanan sa kawalan ng mahihigaan sa Quezon City jail.
Sa Section 19, Article III, ng Konstitusyon, nakasaad na: “The employment of physical, psychological, or degrading punishment against any prisoner or detainee or the use of substandard or inadequate penal facilities under subhuman conditions shall be dealt with by law.”
Matatagalan bago tuluyang maisaayos ang kondisyon ng mga kulungan sa bansa, ngunit sabi nga ni Congressman Atienza, ang mga bilanggo na lumampas na ang pananatili sa kulungan ayon sa kanilang sentensiya ay dapat nang palayain. Higit pa sa mga bilanggong pulitikal, ang matatandang preso na nananatiling nakakulong dahil walang maipambayad sa mga abogadong magtatanggol sa kanila dulot ng labis na kahirapan ay nangangailangan din ng tulong at aksiyon sa kani-kanilang mga kaso.
Matagal nang tradisyon ng Presidente ng pagkakaloob ng kapatawaran o parole sa matatanda, nanghihina na, o may malubhang sakit na bilanggo pagsapit ng ganitong panahon. Malalaman sa pagrebisa sa mga kaso ang maraming bilanggo na nararapat lamang na palayain ng Presidente ngayong Pasko o sa Bagong Taon.