“MAMA, MAMA,” ang sambit ni Kristine Joy sa kanyang ina na kinakapos na ng hininga. “Huwag mo akong iwan anak,” ang sagot ng inang humahagulgol habang kalung-kalong ito. Bahagi ito ng salaysay ng ina nang kapanayamin siya ng reporter tungkol sa nangyari sa kanyang anak. Hindi niya mapigilan ang lumuha nang inilalarawan niya ang eksenang ito pagkatapos na tamaan ng ligaw na bala ang bata. Kasama ang ina at kapwa niya bata sa harap ng Simbahan sa Laguna, habang hinihintay na magsimula ang Simbang Gabi, nang barilin ng mga pulis ang kanilang hinahabol na umano’y sangkot sa ilegal na droga. Ang bala para sa taong ito na tumama muna sa pader saka tumama kay Kristine ang siyang umutas sa kanya.
Nang mangyari ito, tatlong araw na lang at kapanganakan na ng Panginoong Hesus. Ito ang sinasalubong at ipinagdiriwang ni Kristine nang samainpalad siya. Nadakip ng mga pulis ang lalaking kanilang hinahabol, pero hindi gaya ito ni Kristine, mapalad ito sapagkat sa balikat lamang siya nabaril. Sinasabi natin na ang lahat ng nagaganap sa ating buhay ay may dahilan. Tao lamang tayo na hindi natin ito mawari. Ang Poong Maykapal ang tanging nakakabatid ng lahat. Kaya, hanggang sa tayo ay magtanong na lamang sa kanya. Bakit kailangang mangyari ito sa isang napakabata pang tulad ni Kristine? Bakit ang taong pinaglaanan ng bala ay pinalad na hindi mapuruhan? At bakit sumablay ang mga pulis sa kanilang tunay na layunin, bagkus kay Kristine ito nangyari?
Sa mga tulad nating limitado ang kakayahang maarok ang dahilan ng bawat nangyayari sa atin, madali naman nating malaman ang dahilan kung ito ay kagagawan ng ating kapwa. Ang trahedyang kumitil sa buhay ni Kristine ay isa lamang sa mga bunga ng pamamaraan ng pamamahala ng ating gobyerno.
Inilagay ng nagpapatakbo nito sa kanyang sariling kamay ang buhay ng mamamayan. Siya ang nagtutuldok sa itatagal mo sa daigdig na ito. Kaya, namagitan si Kristine na sa pagbuwis ng buhay ay ipakitang ito ay mali. Kaya marahil sa Simbahan niya inaalay ang kanyang buhay upang ipamukha sa lahat ang pumatay ng tao, anuman ang dahilan, ay hindi maka-Diyos. Na nangyari ang kanyang pagkamatay, sa panahon na dapat magsaya ang lahat, dahil kapanganakan ng Panginoong Hesus, upang higit na maging makabuluhan ang kanyang sakripisyo. Mahalaga ang buhay ng tao na Kanyang ipinarito upang sagipin at iligtas. Kaya nga may panahon ng pagsisisi para magbalik-loob ang tao sa Diyos. Nangyari ang dapat mangyari sa inosenteng tulad ni Kristine upang ibalik sa katinuan ang taong nag-aakala na ang pagpatay ng kanyang kapwa ay mabisang lunas sa problema ng bansa. (Ric Valmonte)