MAY kabuuang 600 atleta ang delegasyon ng Team Philippines na isinumite ng Philippine Olympic Committee (POC) sa Malaysian Southeast Asian Games Organizing Committee nitong Biyernes.

Ang listahan ay bilang tugon sa ‘deadline’ para sa pagsumite ng ‘candidates by name’ ng organizer.

Ngunit, iginiit ng Philippine Sports Commission (PSC) na asahan ang malaking kabawasan nito sa pagsisimula nang pagsala sa credential ng mga atleta sa pangangasiwa ng POC-PSC SEAG Task Force sa mga susunod na araw.

Nakatakda ang SEA Games sa Agosto sa Kuala Lumpur, Malaysia.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“We are emphasizing that only those athletes who are capable of winning [in the SEA Games], and if not, other considerations should be seriously looked into,” pahayag ni PSC chairman Butch Ramirez matapos ang isinagawang pagpupulong ng Task Force.

Napagkasunduan na ang gagamiting criteria para sa pagpili ng mga atleta na isasabak sa biennial meet at ang gold medalist ay ipinapalagay nang ‘seeded’ sa delegasyon.

Kabilang sa criteria ang naging kampanya ng atleta sa nakalipas na 2015 SEA Games sa Singapore, gayundin sa nilahukang international competition tulad ng Rio De Janeiro Olympics, world championship, 2014 Asian Games at Asian level meets.

Iginiit ni Philippine Judo Federation president Dave Carter, miyembro ng Task Force, na ang listahan ay hindi pa final.

“We must remember that the initial number of 600 is entry by number lang,” pahayag ni Carter. “We don’t intend to send that many. ‘Yan po ay parang warning lang sa host country na we might be able to send 600 athletes.

“We are with you sa paniniwala na kailangang ma-trim down. Kinakailangan ’yung well-deserved lang ang ipadala,” aniya.

Ang POC ang may karapatan para sa pagbuo ng delegasyon sa SEAG at iba pang multi-event tournament sa abroad, ngunit ang PSC ang siyang nagbibigay ng pondo para sa pagsasanay, allowances at iba pang gastusin ng atleta at ng buong delegasyon.