LAMAN ng mga bulung-bulungan sa loob ng mga presinto, maging sa Camp Crame, ang Christmas bonus na sinasabing ipinagkaloob ng Malacañang sa matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na dahilan para pag-usapan sa media at ng mga netizen ang sinasabing pag-iingay daw ng mabababang ranggo sa pambansang pulisya.

Kahit na kumambiyo agad ang Palasyo sa pahayag na ito ni PNP Chief DDG Ronald “Bato” Dela Rosa, buo pa rin ang paniniwala ng mas nakararaming pulis na natuloy ang abutan ng mga “AMPAO”—ang kulay pulang sobreng may dibuhong dragon na magdadala raw ng suwerte sa magbibigay at tatanggap nito—sa kanilang mga opisyal. Isang matandang kaugalian na minana pa sa China kaya lalo tuloy tumindi ang paniniwala kong DIEHARD FAN yata talaga ng mga taga-Palasyo ang China.

Sa pakikipagkuwentuhan ko, iba’t ibang grupo ng pulis na nasa ibaba ng organisasyon ng PNP, ganito ang naging takbo ng aming pag-uusap, i-share ko sa inyo— ‘wag ninyong isipin na tsismoso ako, ha?

Ngunit ‘di naman daw totoo ang balitang masama ang loob nila sa nangyaring bigayang ito ng bonus, dahil sanay naman daw silang NABUBUKULAN palagi pagdating sa mga grasyang katulad nito. Napakaliit na halaga naman daw nitong napabalitang bonus na galing sa Malacañang (maliit?) kung ikukumpara umano sa lingguhang natatanggap ng kanilang mga bossing bago pa man ito umupo at habang nakaupo sa kanilang mga puwesto bilang Chief of Police (COP), Provincial Director (PD), District Director (DD), Regional Director (RD) at iba pang hepe ng mga sangay ng PNP na nag-o-operate sa buong bansa—medyo nagtanga-tangahan ako sa gusto nilang tumbukin ngunit abot ko na ito, 30 years kaya akong police reporter!

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Sa madaling sabi, tuloy pa rin pala ang mga lingguhang grasya na dumarating daw sa mga opisyal nila at kakarampot lamang ang sumasayad sa kanilang mga palad. Dati raw, ang operational funds nila ay suportado pa ng grasyang galing sa 1602 kaya madaming accomplishment, ngunit ngayon ay natigil ang suporta, kaya lang alam nila tuloy pa rin ang grasya. Ang tanong ko: “Saan galing ang grasya?” Ang may pagkutyang sagot – “Boss naman, mas marami kang alam tungkol sa 1602 kaysa amin…tuloy ang ligaya, ‘di ba?”

Ang 1602 ay ang katawagan sa batas na R.A. 1602 o Anti-Illegal Gambling Law na bukambibig ng mga taong nakikinabang sa kita nito, legal o ilegal mang paraan. Alam ito ng lahat ng alagad ng batas at hanggang sa ngayon— paulit-ulit man nilang sabihing wala na ito, bawal na, tuwid o baluktot na daan na, etc—ay marami pa ring nakikinabang dito, partikular na ‘yung mga nakaupong opisyal ng PNP na aking nabanggit. Teka muna – may malaking papel din nga pala rito ang ilang mataas na opisyal sa Palasyo, may mga pumapasok din na parating sa kanila mula sa mga retiradong pulis na mga nag-fulltime ng kolektor ng 1602 para sa mga BOSS na ito.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)