Higit na mahalaga kaysa anumang materyal na regalo ngayong Pasko ang handog na buhay ng Panginoon.

Sa Simbang Gabi sa San Jose Manggagawa Parish Church, sa Tondo, Maynila, sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na dapat nating tularan sina San Jose at Birheng Maria na pinahalagahan ang ibinigay na regalong buhay ng Diyos.

“Si Hesus ay dumating noong unang Pasko na hindi inaasahan ng kanyang mga naging magulang at sa panahon dapat tayong maging katulad ni San Jose at Maria na pinahalagahan ang regalong buhay na ibinigay ng Diyos sa hindi inaasahang panahon at pagkakataon,” wika niya.

Nanawagan ang Cardinal sa mga mananampalataya na igalang ang buhay na espesyal na regalo ng Panginoon tulad ng buhay sa sinapupunan at mga itinuturing na salot ng lipunan.

National

German, tiklo; nagpuslit ng higit ₱55M halaga ng shabu, itinago sa mga Bibliya!

“Halimbawa dalawa na ang anak niyo, tapos nadiskubre niyo, nagdadalantao, sasabihin niyo wala sa plano. Wala sa plano ano gagawin mo? Ipalaglag mo ang bata? Wala nga sa plano mo pero baka regalo iyan ng Diyos. Ikaw ba ay makakalikha ng buhay? Igalang iyang buhay, igalang yan! Lahat ba parang nakakasira sa panlasa natin ay kailangang sugpuin o baka dapat tingnan, marahil mayroong pinapadala ang Diyos na misyon sa atin. Kailangan ng pananaw, ng pananamplataya katulad ni Jose,” ani Tagle. (Mary Ann Santiago)