Posibleng maging maulan ang Pasko sa Bicol Region at Southern Luzon, kasama na ang Metro Manila, makaraang maging ganap na bagyo ang typhoon “Nock-ten” (international name) na inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility kagabi o ngayong umaga bilang huling bagyo ngayong 2016.

Sa report ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang sama ng panahon sa layong 1,485 kilometro silangan ng Mindanao at kapag tuluyang pumasok sa bansa ay tatawaging “Nina”, ayon sa weather specialist na si Meno Mendoza

“Kung hindi po ngayong gabi, posibleng bukas ng umaga papasok sa PAR ang bagyo,” sinabi ni Mendoza kahapon.

Aniya, taglay ng bagyo ang lakas ng hanging 65 kilometro kada oras at bugsong 80 kilometro kada oras habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 23 kilometro bawat oras.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tinukoy ding maaapektuhan ng bagyo sa Disyembre 24 at 25, araw ng Pasko, ang Bicol Region, Northern Samar, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, Laguna, Cavite, Batangas, Rizal at Quezon.

Tinatayang lalabas sa bansa ang bagyong Nina sa Disyembre 27 o 28.

Kaugnay nito, inalerto naman kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang publiko laban sa bagyo, partikular sa baha at landslide sa mga lugar na sasalantain.

Sinabi rin ng Philippine Coast Guard (PCG) na pinakilos na nito ang mga unit sa lahat ng pantalan sa bansa dahil sa dagsa ng mga pasahero at kaugnay na rin ng bagyong Nina.

“We optimize the presence of coast guard units such as the search and rescue teams, and canine units because of the terrorism perspective. And of course the special operations group in the event that there will be untoward incident in ports and at sea,” sabi ni PCG OIC Commodore Joel Garcia.

(Rommel Tabbad, Ellalyn de Vera, Francis Wakefield at Argyll Cyrus Geducos)