NAPAG-ALAMAN na makatutulong ang pagmumumog ng mouthwash para mapigilan ang pagtubo ng bacteria na nagdudulot ng gonorrhea na matatagpuan sa lalamunan ng tao. Ito ay ayon sa bagong pag-aaral sa Australia.
Hindi na bago ang ideya na nakapupuksa ng bacteria ang mouthwash – sa katunayan, simula pa noong 1879 ay iniaanunsiyo na ng Listerine, brand ng mouthwash, na ito ay maaaring makagamot ng gonorrhea, ayon sa pag-aaral.
Bagamat pagkaraan ng mahigit isandaang taon simula nang sabihin ito ng kumpanya, wala pang scientific studies ang sumusubok para suriin ito, saad ng mga awtor sa pag-aaral, na inilathala sa journal na Sexually Transmitted Infections.
Inihayag ng mga researcher na ang kanilang pagkakadiskubre nito ay makatutulong sa tumataas na kaso ng gonorrhea sa buong mundo.
“If daily use of mouthwash was shown to reduce the duration of untreated infection and/or reduce the probability of acquisition of gonorrhoea, then this readily available, condom-less, and low cost intervention may have very significant public health implications in the control of gonorrhoea in men,” ayon sa report.
Lalo pang nadoble ang bilang ng mga kaso ng gonorrhea, sanhi ng bakteryang Neisseria gonorrhoeae, sa kalalakihan sa Australia nitong nakalipas na limang taon, saad ng mga researchers na pinapangunahan ni Eric Chow, research fellow sa Melbourne Sexual Heath Centre sa Australia. Ang halos 70% na kaso ay kinasasangkutan ng kakalalakihan na sexually active sa kapwa lalaki, dagdag ng mga researcher.
Sa U.S., tumaas din ang bilang ng mga kaso ng gonorrhea nitong nagdaang taon, ayon sa estadistika mula sa Centers for Disease Control and Prevention. Noong 2014, mayroong 110.7 kaso kada 100,000 taon, na tumaas ng 5.1% kumpara sa 2013 rate, at tumaas ng 10.5% sa 2010 rate, ayon sa CDC.
Hindi pa tiyak kung ang pagpuksa sa gonorrhea sa lalamunan ng tao ay maaari ring makapagpababa ng kaso ng gonorrhea infections sa ibang bahagi ng katawan tulad ng urethra, ani researchers.
Gayunman, iminungkahi ng dating mga pag-aaral na ang impeksiyon sa lalamunan ang siyang pinanggagalingan ng urethral at anal infections, ayon sa pag-aaral. (PNA at Medical News Today)