IPINAGDIRIWANG ngayon ang Kaarawan ng Emperor ng Japan. Ito ay isa sa mga pinakamahahalagang okasyon at itinuturing na national day ng naturang bansa.

Pinasimulan bilang national holiday ang Kaarawan ng Emperor noong 1948. Ito ay iniayon sa araw ng kapanganakan ng kasalukuyang Emperor. Itinuturing ang Emperor bilang simbolo ng estado at pagkakaisa ng Japan.

Isinilang si Emperor Akihito noong Disyembre 23, 1933. Siya ang ika-123 emperor sa hanay alinsunod sa tradisyunal na pagkakasunud-sunod ng kapangyarihan sa Japan. Sinundan ni Akihito ang kanyang ama na si Emperor Showa at naluklok sa Chrysanthemum Throne noong Enero 7, 1989. Ikinasal siya kay Empress Michiko noong Abril 10, 1959 at nabiyayaan ng tatlong anak.

Ginugunita ang Kaarawan ng Emperor sa seremonya na ginaganap sa Imperial Palace, na sa pagkakataong ito ay nakabukas para sa publiko. Ang pagdiriwang na ito ay isa lamang sa dalawang okasyon sa isang taon na binubuksan ang palasyo sa publiko. Ang Emperor, kasama ng kanyang asawa na si Empress Michiko at ng iba pang miyembro ng royal family, ay dumudungaw sa balkonahe ng palasyo upang malugod na tanggapin ang mga tao. Nagsasagawa rin ang mga embahada ng Japan at consular offices sa buong mundo ng mga pagdiriwang sa kaarawan ng Emperor.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Malalim na ang ugnayan at pagiging magkaibigan ng Japan at Pilipinas. Nagkaroon na ng exchanges of state at officials visits ang dalawang bansa. Ang pinakahuli ay ang state visit nina Emperor Akihito at Empress Michiko noong Enero 2016, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo ng normalization sa diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa; at ang official visit ni Presidente Rodrigo Duterte sa Japan noong Oktubre 2016.

Ayon sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), mahigit 10,000 ang land-based overseas Filipino workers sa Japan noong 2015. Mayroong embahada ang Pilipinas sa Tokyo at consulate office sa Osaka. Mayroon namang embahada ang Japan sa Pasay City, Metro Manila at consulate offices sa Cebu City at Davao City.

Binabati natin si Emperor Akihito sa kanyang ika-83 kaarawan at nawa’y pagkalooban siya ng mabuting kalusugan, mahabang buhay, at kasaganaan.