CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Isang ilegal na pagawaan ng paputok ang sinalakay at ipinasara ng Santa Maria Municipal Police sa Green Breeze Village, Barangay Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan, nitong Miyerkules ng hapon.

Batay sa report kay Police Regional Office (PRO)-3 Director Chief Supt. Aaron N. Aquino, kinilala ang operator ng pagawaan na si Roberto Puyat Blas, 60, may asawa; habang ang mga tauhan niya ay kinilala lamang sa mga alyas na Arjay, 22, binata, tubong Quezon; at Gal, 30, walang asawa, taga-Quezon din, at pawang residente ng Tandang Sora Street, Green Breeze Village, Bgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria.

Ayon kay Aquino, nakatanggap ng tawag ang Santa Maria Municipal Police mula sa isang concerned citizen tungkol sa ilegal umanong paggawa ng paputok ng grupo ni Blas, kaya kaagad nilang bineripika ang impormasyon.

Papalapit na ang mga pulis sa bahay ni Blas sa liblib na bahagi ng Cityland Subdivision nang magpulasan ng takbo ang mga suspek, hanggang sa tuluyang makaiwas sa pagdakip.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nasamsam sa bahay ni Blas ang iba’t ibang kemikal na ginagamit sa paggawa ng paputok tulad ng sulfur, colorato, aluminum, galic; at libu-libong hindi pa natatapos na kuwitis na may tatak na “Dragon Ball Fireworks and Diamond Fireworks” at may manufacturing name na “Golden J”, isang lisensiyadong fireworks dealer sa Bocaue.

Nadiskubre rin sa lugar ang mga label ng Lucy Fireworks, Dragon Ball Fireworks, Diamond Fireworks (Golden J), Hailey’s Fireworks, Extacy “D” Fireworks, Top JR Fireworks, at Double A Fireworks.

Pinaghahanap na ang mga suspek, na nahaharap sa paglabag sa R.A 7183 (Illegal Manufacturing of Fireworks).

(Franco G. Regala)