INAKUSAHAN ni Brad Pitt ang dating asawa na si Angelina Jolie sa paglalabas ng sensitibong detalye tungkol sa kanilang custody agreement sa media dahil sa public court filings nito.
Nagsampa ng memorandum si Pitt para sa kanyang kahilingan na manatiling pribado ang mga dokumento ng diborsiyo partikular sa kanilang custody. Nagbigay si Pitt ng mga rason kung bakit kailangan manatiling pribado ang impormasyon tungkol sa gumugulong na custody battle sa anim na anak nila ni Jolie.
Sa mga dokumentong nakuha ng People, sinabi ni Pitt na si Jolie ay “appears to be determined to ignore even agreed upon standards relating to the children’s best interest,” ayon sa dokumento.
Naniniwala si Pitt na ine-expose ni Jolie ang kanilang “children by making public the names of their therapists and other mental health professionals.”
Binigyang-diin ni Pitt na si Jolie ay walang “self-regulating mechanism” para maiwasang lumabas ang sensitibong impormasyon sa publiko. Bilang ebidensiya, inihalimbawa niya ang mga pagsampa at paglabas ng mga dokumento na mayroong pribadong impormasyon. “Although she had already made them public, she did it again.”
Nag-draft ang legal team ni Pitt ng proposed order, na nais ng aktor na aprubhan ito ng hukom.
May oportunidad naman ang grupo ni Jolie para tumugon sa kahilingan ng grupo ni Pitt bago magdesisyon ang hukom tungkol dito.
Lumabas ang filing na ito ilang linggo makaraang ma-deny ang kahilingan ni Pitt na magkaroon ng emergency hearing para maselyunhan ang lahat ng dokumento. (People.com)