MULING naging laman ng mga balita ang Aleppo, Syria, nitong nakaraang Martes, hindi dahil sa mga karahasang namamayani sa labanan sa matandang siyudad, kundi dahil naiugnay na ito ang dahilan ng Turkish gunman na pumaslang sa embahador ng Russia sa Ankara, Turkey.
“Don’t forget Aleppo!” sigaw ng Turkish policeman na si Mevlut Mert Altintas na naka-off-duty nang kanyang barilin ang nakatalikod na si Russian Ambassador Andrei Karlov sa Ankara art gallery. “Don’t forget about Syria, don’t forget about Aleppo. All those who participate in this tyranny will be held accountable!” hiyaw pa niya, bago siya nabaril din.
Buong linggo nang laman ng mga balita ang Aleppo sa pagsalakay ng Syrian government forces, na tinutulungan ng Russians, Iranians, at Shiite militias, laban sa mga rebelde sa silangang bahagi ng siyudad. Ang kalaban nila ay ang jihadist na Islamic State, Kurds, at Sunni militants. Ang giyera sibil ay limang taon nang nagaganap, na naging sanhi ng paglikas ng milyun-milyong Syrian refugees mula sa Syria patungong Europe, na ang karamihan ay namamatay sa mga bangkang lumulubog sa Mediteranean.
Sa opensibang pagsalakay ng puwersa ng Syria laban sa mga rebelde sa Aleppo, nagbabala ang Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights na may nagaganap na “crimes of historic proportions”. Sinabi ng UN officials na pananagutan ng Russia at Syrian government ang mga pagmamalabis ng grupo ng gobyerno, kabilang na ang pagmasaker sa mga sibilyan.
May mga nawasak nang ancient archeological sites sa Old City of Aleppo, na deklaradong UNESCO World Heritage Site, pero ang pagbomba sa mga sibilyan, mga ospital at eskuwelahan ang nagbunsod sa UN Security Council upang magpadala ng observers sa Aleppo na magbabantay sa paglikas ng mga sibilyan nitong nakaraang linggo.
Malaki ang papel na ginagampanan ng Russia sa labanan. Nang patayin ang Russian ambassador sa Ankara, nangako si Russian President Vladimir Putin na aalamin niya kung sino ang nag-utos sa killer. Ang asasinasyon ay nagdagdag ng bagong dimensiyon sa mga karahasan sa loob at labas ng Aleppo na maaaring magpasimula ng lalo pang paglawak ng giyera sa Syria at sa mga katabing lugar sa the Middle East.