GONZAGA, Cagayan – Nauwi sa trahedya ang pag-uwi ng isang ginang na overseas Filipino worker (OFW) mula sa Hong Kong para makasama ang kanyang pamilya sa Pasko matapos siyang saksakin ng 17 beses ng kanyang mister sa loob ng kanilang silid sa bayang ito, Miyerkules ng gabi.
Sa panayam ng Balita kahapon kay PO2 Loreto Verzon, sinabi niyang kararating lang ni Arlyn Dalmaceda, 41, mula sa Hong Kong nang paslangin siya ng asawang mangingisda na si Alex Dalmaceda, 43, sa kanilang bahay sa Barangay Minanga, Gonzaga, Cagayan.
Dakong 10:00 ng gabi nitong Miyerkules nang magtalo ang mag-asawa matapos makiusap ang lalaki na hiwalayan na ng biktima ang lover nitong tomboy, subalit tumanggi ang ginang.
Nagalit ang suspek at pinagsasaksak ang asawa, na nasaksihan ng anak nilang lalaki, hanggang sa nagmamadaling tumakas ang suspek.
Sinikap na isugod sa pagamutan ang biktima ngunit kaagad din itong binawian ng buhay dahil sa dami ng tinamong saksak sa katawan.
Gayunman, kahapon ng tanghali ay sumuko na ang suspek at sinabing nagsisisi siya sa nagawa at handang harapin ang parusa sa pagpatay niya sa asawa. (Liezle Basa Iñigo)