“GUSTO kong batiin ang bawat isa, komunista, Abu Sayyaf, sa ngalan ng mamamayang Pilipino, Merry Christmas at Manigong Bagong Taon, wika ni Pangulong Digong nang dumalaw siya sa Western Mindanao Command kamakailan. Nakikiusap ako, aniya, na magkaroon tayo ng mapayapang Pasko, sa ibang araw na tayo magbakbakan. Pero, iba ang mensahe ng Pangulo sa mga sinabi niyang kriminal at sangkot sa ilegal na droga. “Sa mga shabu? Bigyan ko kayo isang platong shabu. Hindi ko na ipaso, ipakain ko. Galit ako sa kriminal,” sabi niya.

Ang kahilingan ng Pangulo, para sa mapayapang Pasko, tumigil muna kahit pansamantala ang digmaan sa pagitan ng militar at mga armadong grupo. Kapag may armas ang kalaban ng gobyerno, nakikiusap siya. Pero, kapag wala, matapang siya. Matapang siya sa mga umano’y kriminal at sangkot sa droga. Kaya, walang moratorium. Tuloy ang pagpatay ng gobyerno sa mga ito sa paraang inumpisahan nitong gawin. Sa mga kriminal lalo na sa mga sangkot sa droga, at sa umano’y sangkot dito, balewala sa Pangulo ang Pasko. Kung paano ipagdiriwang ng mga mauulila ang Pasko, kay Pangulong Digong, bahala na sila.

Nang pumasok si Panginoong Hesus sa magulong daigdig na ito, may dala siyang mga magandang bagay. Pagmamahalan, pagpapatawad at pagbibigayan na siyang kanyang kapayapaan. “Kung paano Ko kayo minahal,” sabi niya, “ganoon din ninyo mahalin ang kapwa ninyo.” Katunayan nga, higit Niyang pinakisamahan ang mga nagkakamali sapagkat ang kanyang misyon ay sagipin at iligtas ang mga nagkakasala. Ito ang buod ng kanyang kapanganakan.

Pero namili si Pangulo Digong kung kanino niya ipagdiriwang ang Pasko; kung kanino niya nais na magkaroon ng kapayapaan kahit pansamantala lamang; kung sino ang magiging maligaya sa panahong ito. Hindi kailanman magiging maligaya ang mga mauulila ng mga taong pinapatay dahil sila ay kriminal at sangkot sa droga. Madilim nilang sasalubungin ang sumasabog na liwanag ng kapanganakan ng Panginoong Hesus.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Ang hindi pa katanggap-tanggap sa mga pagpatay na ito ay namimili rin si Pangulong Digong. Isa-isang nadidiskubre sa iba’t ibang bahagi ng kapulungan ang naglalakihang laboratoryong gumagawa ng maramihang shabu na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso. Bihirang may-ari at operator ng mga ito ang nahuhuli, kahit hindi na sila pinapatay. Kasi, may mga kapangyarihan din at taong gobyerno ang nasa likod ng mga ito. Pero, ang mga dukha at mahina na umano’y gumagamit at tulak ng droga ang lumalasap ng kamatayan sa kamay ng kanilang kapwa.

Maipagdiwang sana ng kanilang mga naulila ang Pasko kahit paano at mapaligaya sila ng hindi mapapasubaliang batas ng kalikasan na nakaugat sa katarungan ng Diyos: ANG KARMA. (Ric Valmonte)