Bagamat dalawang araw na lang ay Pasko na, isa pang lalaki ang napabilang sa death under investigation matapos pagbabarilin ng mga hinihinalang miyembro ng vigilante group sa Caloocan City.
Dakong 1:30 ng madaling araw nadiskubre ang bangkay ni Mario Labagda, 51, ng No. 428 3rd Avenue, Grace Park, Barangay 119, sa side walk ng Rizal Avenue, ilang metro lamang ang layo sa kanyang bahay.
Base sa imbestigasyon, pauwi na si Labagda nang harangin ng dalawang lalaki na kapwa nakasuot ng face mask at saka pinagbabaril.
Ayon kay Amelia Bocboc, 51, kinakasama ni Mario, drug dependent ang biktima at matagal na niya itong pinapayuhan na tumigil na sa paggamit ng ilegal na droga.
Narekober ang limang basyo ng bala ng 9mm. (Orly L. Barcala)