Patay ang apat na katao na umano’y sangkot sa ilegal na droga habang isang dalagita naman ang nadamay sa magkahiwalay na insidente sa Mandaluyong City, iniulat kahapon.

Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), dakong 10:00 ng gabi nang pagbabarilin sa kanto ng Sto. Rosario Street, Barangay Plainview, Mandaluyong City, si Annabelle Dela Cruz, nasa hustong gulang, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nasugatan naman sa naturang insidente si Jennica Perez, 15, na nakasabay lamang ni Dela Cruz sa paglalakad sa naturang lugar.

Ayon sa barangay tanod na si Danilo Alabado, kapwa naglalakad sina Dela Cruz at Perez nang lapitan ng dalawang armado si Dela Cruz at pagbabarilin.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sa takot, tumakbo papalayo si Dela Cruz at sumunod sa kanya si Perez kaya nadamay ito nang muling paputukan ng mga suspek ang kanilang target.

Ayon kay Alabado, minsan nang sumuko si Dela Cruz sa Oplan Tokhang ngunit hindi umano nagbago.

Samantala, dakong 9:50 ng gabi, ibinulagta rin si Eleazar Florez Sarvida, 61, malapit sa kanyang bahay sa Block 34, Bgy. Addition Hills, Mandaluyong City.

Dakong 9:45 naman ng gabi nang barilin at patayin si Michael Desvarro, 39, ng Block 35, Bgy. Addition Hills.

Nagtitinda lamang umano ng sigarilyo ang biktima sa tabi ng isang convenience store sa naturang lugar nang siya’y paputukan.

At dakong 8:00 ng gabi nang pagbabarilin si Edward Tugade, nasa hustong gulang, sa kanto ng Ginhawa St. at Barangka Drive.

Patuloy ang imbestigasyon sa mga nasabing insidente. (Mary Ann Santiago)