AGOO, La Union – Dalawang katao ang nasawi bago pa man maisugod sa pagamutan habang 25 iba pa ang nasugatan, kabilang na ang mga driver ng Dominion Bus at Partas Bus na nagkabanggaan kahapon ng madaling araw sa national highway sa Barangay Sta. Fe sa bayang ito.

Sa ulat kahapon ni Chief Insp. Elpidio Cruz, ng Agoo Police, nabatid na dakong 5:40 ng umaga nang magkasalpukan ang Dominion Bus at Partas Bus, na kinalululanan ng pami-pamilyang mag-uuwian para sa Pasko.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ni PO2 Jonathan Taburian, ang Dominion Bus, na nakarehistro sa Mencorp Transport System sa Quezon City ay minamaneho ni Rodel Tara, 43, ng Sto. Domingo, Ilocos Sur, habang ang Partas Bus ay minamaneho ni Constantino Salasor, 42, ng Abra.

Patungong norte ang Dominion Bus habang patimog naman ang Partas nang tinangka ng huli na mag-overtake sa isang sasakyan kaya naagaw nito ang lane ng Dominion at nakabanggaan ito.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Kaagad na namatay ang kapwa pasahero ng Dominion Bus na sina Marlon Tumbaga, 43; at John Rey Brioso, 23, ng Naguillan, La Union.

Sugatan ang mga pasahero ng Dominion Bus na sina Haily Legaspi, 33, ng Ilocos Norte, konduktor; June Baggiayo, ng San Fernando City, La Union; Beverly Baggiyao, 21; Maria Victoria Quines, 21; Claudette Baggiyao, 4; Triasha Pinor, 4; Anna Cris Rodrigo, 28; Maricor Baguno; Cesar Tumbaga, 49; Amilyn Pitas, 34; Ricardo Apilado, 50, pawang taga-San Fernando City, La Union; Jocelyn Cuison, 31; Jake Cuison, kapwa taga Montalban, Rizal; Rolando Ugoy, 53, ng Bauang, La Union; Ralphy Asistin, 31, ng Narvacan, Ilocos Sur; at Regina Roy, 31, taga-Agoo.

Samantala, isinugod din sa pagamutan ang mga pasahero ng Partas Bus na sina Eldin Jan Galase, 22, konduktor; Jonas Quines, 22, ng Sta Cruz, Ilocos Sur; Valerie Tabian Jr., 23, ng Commonwealth, Quezon City; Kara Moreno, 23, ng San Juan City; Cecille Barrias, 39, ng Balintawak, Quezon City; at Bernadette Jebulan, 34, ng Tondo, Maynila.

Ipinag-utos na rin ni Land Transportation Office (LTO)-Region 1 Director Atty. Teofilo Guadiz ang imbestigasyon upang malaman kung may lisensiya ang mga bus driver at kung maayos ang prangkisa ng dalawang bus. (LIEZLE BASA IÑIGO)