HINIMOK ng ilang senador si Presidente Duterte na magpatawag ng pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) upang talakayin ang ilang pangunahing mga usaping pambansa, lalo na ang banta ng Pangulo na pagtapos sa Visiting Forces Agreement (VFA) na kasunduan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ang LEDAC ay pinasimulan ni dating Presidente Fidel V. Ramos at isinabatas ng Kongreso noong 1992 upang makatulong sa pagbalangkas ng mahahalagang patakaran at mga programa ng pamahalaan at upang mapabilis ang pag-apruba sa mga batas na kinakailangang ipatupad. Sa pamumuno ng presidente, ang LEDAC ay kinabibilangan ng bise presidente, ng Senate president, ng House speaker, pitong miyembro ng gabinete, tatlong miyembro ng Senado at tatlo rin mula sa Mababang Kapulungan, at tig-isang kinatawan mula sa local government units, pribadong sektor, at kabataan.
Ang LEDAC ay ginamit sa magkakaibang antas ng mga sumunod na administrasyon. Mapakikinabangan ito ng bagong Duterte administration sa pagpapatupad ng maraming pagbabago na ipinapahayag ng Presidente, kabilang na ang pagbabago ng uri ng ating pamahalaan tungo sa federalismo sa pamamagitan ng constitutional amendment.
Ngayong linggo, ilang senador ang nagmungkahi na magpatawag ang Pangulo ng pulong ng LEDAC upang talakayin ang bantang pagtapos ni Presidente Duterte sa VFA nang magdesisyon ang isang ahensiya sa US, ang Millenium Challenge Corporation (MMC), na itigil ang susunod na ayuda para sa paglaban sa kahirapan dulot ng pagkabahala sa diumano’y paglabag sa mga karapatang pantao sa anti-drugs campaign ng Pilipinas.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagbanta si Pangulong Duterte. Sa kanyang pagdalaw sa China kamakailan, nagsalita siya hinggil sa kinakailangang pagtigil ng Pilipinas sa labis na pagsandal sa US at sa bago at malayang patakarang panlabas. Nakahanda siyang makipag-alyansa sa China at Russia laban sa mundo, sabi niya.
Hanggang ngayon ay walang ibang opisyal na nagsasalita tungkol sa isyung ito, pero hindi rin naman ito pinabubulaanan ng sinuman. Ang US mismo ay tila nakapagpasiya nang ipagpatuloy lamang ang naitatag nang pakikipag-ugnayan nito sa Pilipinas, na nakapaloob sa iba’t ibang kasunduan, kabilang ang VFA.
Tila napapanahon na, mula sa pananaw nina Senators Gregorio Honasan II, Panfilo Lacson, at Antonio Trillanes IV, ang pag-iimbita sa mga pambansang lider upang talakayin ang posibilidad ng pagbabago sa patakarang panlabas, kabilang na ang relasyon natin sa China. Ang talakayan ay maaaring isagawa sa LEDAC na kabibilangan din ng ilang pinuno sa pribadong sektor.
Ang Presidente ang hepeng arkitekto ng patakarang panlabas ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs. Maaari niyang pangunahan ang bansa patungo sa mas malayang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa gaya ng kanyang ginagawa ngayon. Pero mas mainam kung maririnig din ang boses ng ibang mga lider ng bansa, lalo na ang mga miyembro ng Senado, hinggil sa pagbalangkas ng mga bagong patakaran at makabuluhang pagbabago sa mga panuntunan, tulad ng pagtapos sa kasunduan ng Pilipinas at ng US.