Naitala ni Sonny “Pinoy Hearns” Katiandagho ang ikatlong sunod na panalo sa ibang bansa nang mapatigil sa 7th round si dating PABA super lightweight champion Stevie Ongen Ferdinandus ng Indonesia nitong Sabado sa Hangzhou, China.

Mahigit isang taong nagbakasyon sa boksing si Katiandagho at nagbalik noong Abril 16, 2016 para palasapin ng unang pagkatalo si WBC Asian Boxing Council Silver super lightweight champion Hyun Woo Yuh via 8-round split decision sa sagupaang ginanap sa Dangjin, South Korea.

Muling nagwagi si Katiandagho noong nakaraang Hulyo 9 sa Sichuan Gym, Chengdu, China kung saan pinalasap din niya ng unang pagkatalo via 3rd round TKO si Armenian Rafik Harutjunjan para matamo ang bakanteng WBC Eurasia Pacific Boxing Council welterweight title.

May rekord ngayon ang kababayan ni eight-division world champion Manny Pacquiao sa General Santos City na si Katiandagho na 11-1-0 win-loss-draw at umaasang mapapalaban sa world ranked boxer sa kanyang susunod na laban.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

(Gilbert Espeña)